Home Headlines Pagtutol sa pagpaparehistro ng 853 botante sa Talavera, NE dininig ng ERB

Pagtutol sa pagpaparehistro ng 853 botante sa Talavera, NE dininig ng ERB

356
0
SHARE

TALAVERA, Nueva Ecija – Nasa kabuuang 853 ang bilang ng mga bagong aplikante bilang botante mula sa limang barangay ng bayang ito ang tinutulan ng ilang indibidwal.

Nitong Hulyo 17 ay natapos na ng lokal na election registration board (ERB) ang pagdinig sa mga petisyon, ayon kay election officer Jose Ramiscal.

Alinsunod sa Republic Act 8189, kailangang madesisyunan ang oposisyon o challenge of right to register sa loob ng limang araw, paliwanag ni Ramiscal.

Kabilang sa mga tinututulan o ipinakakansela ay ang 79 na aplikante para maging botante sa Barangay Marcos, 131 sa San Pascual, 189 sa Andal Alin̈o, 417 saSampaloc, at 32 sa Dinarayat. 

“Dito po sa kanilang opposition ay isa lang po ang claim nila na ang mga aplikante ay hindi residente,” sagot ni Ramiscal sa tanong kung anu-ano ang mga dahilan ng pagtutol na binabanggit ng nga challenger.

Election officer Jose Ramiscal, chairman Election Registration Board. Kuha ni Armand Galang

Tiniyak ng opisyal na patas ang ERB sa kanilang pagdinig. Bukod kay Ramiscal na siyang pinuno ng lupon, ang ERB ay binubuo nina Atty. Marilou Buenaventura ng Department of Education, at Blezsilda Casas ng local civil registrar.

Maaari lamang iapela ang desisyon ng ERB sa Municipal Trial Court.

Samantala, tatlo sa apat na challenger sa 79 na aplikante sa Barangay Marcos ang sabay-sabay na bumawi ng kanilang testimonya sa pagsasabi na hindi umano nila naintindihan ang pinapirmahan sa kanila at biglaan daw at nasusulat sa wikang Ingles.

Sa kanilang pinagsamang sinumpaang salaysay ay sinabi nina Daisy Laureta Manalo, Analiza Samaniego Rodiel, at Melanie Rodiel Octavio na isinama lamang sila ng isang kapitbahay para sa isang meeting sa Barangay Sibul ng bayang ito.

Pagdating doon ay pinapirma sila sa isang dokumento.

“Na, pagkatapos naming mapirmahan ang dokumento ay hindi kami binigyan ng kopya,” anila.

Huli na umano nang kanilang malaman na pagtutol sa voter’s registration ng kanilang kabarangay ang nasabing dokumento.

Katunayan ay kabilang sa listahan ang anak ni Rodiel at isang malapit na kapitbahay ni Octavio.

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here