Home Headlines Pagtulong sa mga biktima ng bagyo patuloy

Pagtulong sa mga biktima ng bagyo patuloy

2342
0
SHARE

Pagkukumpuni ng pribadong Manong DM Foundation sa mga bahay na nawalan ng bubong sa Sitio Riverside, Barangay IV, Laur, Nueva Ecija. Kuha ni Armand Galang



L
AUR, Nueva Ecija – Mula nang tangayin ng bagyong Ulysses ang bubong at wasakin ang dingding ng kanilang bahay kamakailan ay pawang pagtitiis ang naranasan ng pamilya ni Floredeliza Esmundo, 38, ng Purok Riverside, Barangay IV ng bayang ito. 

“Natutulog po kami ng walang bubong kahit umuulan,” sabi ni Esmundo. Ang kanilang anak ay nakikitulog na lamang sa kanyang biyenan, ayon sa kanya.

Ngunit dahil nag-aaral ang mga ito ay parusa pa rin ang pagkasira ng kanilang bahay lalo’t madalas na umuulan at malakas ang hangin sa kanilang lugar nitong mga nagdaang araw, aniya: “Nagmo-module po sila. Tumitigil sila kapag pumapatak na ang ulan.

Si Esmundo, may apat na anak, ay isa sa anim na pamilya sa Sitio Riverside na ipinagkumpuni ng bahay ng Manong DM Foundation nitong Linggo, mula sa pribadong sektor na tumutulong sa mga biktima ng kalamidad sa Nueva Ecija.

Tinatayang nasa 37 ang mga bahay na nawalan ng bubong sa bayang ito dahil sa malakas na hangin na dala ng bagyong Ulysses.

Ayon sa opisyal ng foundation na si Darrel Morales, layunin ng kanilang pamilya na makatulong sa mabilis na pagbangon ng mga pamilyang naapektuhan ng kalamidad lalo’t nangyari ito ngayong kinakaharap pa ng bansa ang pandemya na coronavirus disease.

Bukod sa yero, mga kahoy, at iba pang pangangailangan sa pagkumpuni ng nasirang bahay ang grupo ni Morales na rin ang nagdala ng karpintero upang kaagad maisagawa ang pagkumpuni at paglalagay ng bubungan.

Ang Sitio Riverside ay literal na nasa pampang ng ilog sa naturang barangay.

Kwento ni Esmundo, lumikas sila at nagtungo sa evacuation center sa kasagsagan ng bagyong Ulysses. Labis raw ang kanilang panlulumo ng madatnan sa kanilang pagbabalik na sira na ang kaniang bahay. “Pati po lahat ng damit namin, basang-basa wala po kaming maisuot. Pati po higaan namin lahat po,” ani Esmundo.

Todo pasalamat naman si Esmundo sa tulong na dala ni Morales. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here