Home Headlines Pagtatayo ng Northern Access Link Expressway ng NMIA, inaprubahan na

Pagtatayo ng Northern Access Link Expressway ng NMIA, inaprubahan na

1002
0
SHARE

BULAKAN, Bulacan (PIA) – Inaprubahan na ng Toll Regulatory Board o TRB ang magiging kauna-unahang expressway na direktang patungo sa ginagawang New Manila International Airport o NMIA sa Bulakan, Bulacan.

Ayon kay TRB Executive Director Alvin Carullo, naglabas na ng Supplementary Toll Operating Agreement ang TRB para sa nasabing proyekto na opisyal na tatawaging Northern Access Link Expressway o NALEX.

Ang Segment 1 ng NALEX ay ikakabit mula sa Skyway Stage 3 sa Balintawak kung saan may iniabang nang mga paunang mga poste.

Dito ikakalso ang mga concrete girders para sa nasabing expressway na patungo sa NMIA.

Nagkakahalaga ang proyekto ng 148 bilyong piso na popondohan ng San Miguel Corporation Infrastructure na binigyan ng konsesyon upang mamuhunan, magtayo at magpatakbo sa NALEX.

May haba itong 19 kilometro kung saan elevated o nakataas ang unang pitong kilometro mula sa Skyway Stage 3 sa Balintawak hanggang sa pagitan ng Malabon at Obando.

Mula rito ay tatawid ang NALEX sa mga ilog ng Tullahan at Muzon, patungo sa baybayin ng Bulakan at Meycauayan na may habang 12 kilometro.

Para kay Department of Public Works and Highways Regional Director Roseller Tolentino, isang malaking hakbang at panimula ito para sa pagkakaroon ng maluwag at mabilis na daan patungo sa magiging bagong paliparan.

Maikakabit din aniya ito sa iba’t iba pang pangunahing imprastraktura na itinayo at itinatayo para sa lalong pag-unlad ng Gitnang Luzon.

Bukod dito, isang malaking kontribusyon ang NALEX sa patuloy na modernisasyon ng sistema ng transportasyon at magbabangon sa industriya ng turismo ng bansa.

Target matapos ang NALEX sa taong 2026 kung kailan tinatayang magsisimula ang operasyon ng NMIA.

Kaugnay nito, ang Segment 2 ng NALEX ay may habang 117 kilometro mula sa NMIA na ididiretso sa Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway sa bahagi ng lungsod ng Tarlac.

Planong itayo ito kapag nagsimula na ang operasyon ng NMIA at nitong NALEX Segment 1.

Isa ang NALEX Segments 1 at 2 sa may 22 pang bagong mga road networks at expressways na nakatakdang ipagawa sa paligid, papunta at mula sa NMIA. (CLJD/SFV-PIA 3)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here