Home Headlines Pagtatayo ng Ancestral Domain Management Office sa Angat Dam, isinulong 

Pagtatayo ng Ancestral Domain Management Office sa Angat Dam, isinulong 

755
0
SHARE

NORZAGARAY, Bulacan — Aagapay ang National Commission on Indigenous Peoples o NCIP sa pagtatayo ng isang Ancestral Domain Management Office sa Angat Dam Watershed sa Norzagaray, Bulacan

Iyan ang tiniyak ni NCIP Chairperson Allen Capuyan sa ginanap na Inter-Agency Ancestral Domain Visitation sa mga katutubong Dumagat na naninirahan sa pamayanang Karahume, Kalawakan at Kabayunan sa lungsod ng San Jose del Monte at bayan ng Donya Remedios Trinidad na pawang mga lupang ninuno o ancestral domain.

Humarap si National Commission on Indigenous Peoples Chairperson Allen Capuyan (kaliwa) sa mga katutubong Dumagat sa ginanap na Inter-Agency Ancestral Domain Visitation sa Angat Dam Watershed sa Norzagaray, Bulacan. (Shane F. Velasco/PIA 3)

Paliwanag ng opisyal, ang mga katutubong ito ang tunay na nagmamay-ari ng mga lupaing ninuno kaya’t makatwiran na sila ang mismong magdesisyon kung paano ito dapat magamit at mapangalagaan.

Ayon sa Republic Act 8371 o ang Indigenous Peoples’ Rights Act, kinikilala ng estado na ang mga katutubo ang tunay na may-ari ng mga lupaing ninuno.

Kaya naman sa pagtatayo ng Ancestral Domain Management Office, ang mismong mga katutubo ang magpapatakbo at mangangasiwa rito.

Sinabi pa ni Capuyan na sa Ancestral Domain Management Office dapat magpaalam ang bawat mga turista, pati mga magtatanim ng mga puno, maglalagak ng negosyo o anumang uri ng paggamit na mangyayari sa loob ng mga lupang ninuno.

Dito gagawa ng desisyon ang mga katutubo kung bibigyan ng pahintulot o hindi.

Hinikayat naman niya ang mga katutubong Dumagat na singilin ng royalty ang mga malalaking kompanya at maging mga ahensya ng pamahalaan na gagamit ng lupaing ninuno.

Hinalimbawa rito ang mga nagtatayo ng power grids, power generators at watersheds gaya sa Angat Dam.

Kaugnay nito, isusunod ang disenyo at sistema ng magiging Ancestral Domain Management Office kung paano namamahay at namumuhay ang mga katutubong Dumagat.

Sa Angat Dam Watershed planong itayo ang tanggapan na target maisakatuparan bago matapos ang 2022.

Kapag naging operasyonal na, ang magiging inisyal na sistema, ang sinumang may nais gawin o bumisita sa mga natukoy na lupaing ninuno sa San Jose Del Monte, Donya Remedios Trinidad at Norzagaray ay dapat dito muna unang sumadya upang makapagpaalam direkta sa mga katutubo.

Samantala, tutulong din ang NCIP sa mga Dumagat upang makapagbukas ng kani-kanilang mga account sa Land Bank of the Philippines sa ngalan ng kanilang tribo.

Layunin nito na magkaroon ng sistema at mapangalagaan ang pagtanggap ng mga katutubo ng anumang tulong pinansiyal at royalty, sa mga nagnanais pumasok o gumalaw sa kanilang lupaing ninuno.

Bilang panimulang laman ng nasabing bank account, nagkaloob ng 30 libong pisong halaga ang mga opisyal ng NCIP na paghahatian ng mga naturang tribo. (CLJD/SFV-PIA 3)

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here