Pagtaas ng export ng bigas, presyo kasunod na tataas

    389
    0
    SHARE

    Araw ng Lunes nang ibalita nitong
    Ating kagawaran d’yan ng Agriculture
    Na tayo’y nag-export sa bansang Singapore
    Ng puting bigas na 45 metric tons

    Kung saan mataas na uri ng bigas
    Itong sinasabing ineksport ng Pinas,
    Imbes dati tayo ang siyang umaangkat
    Sa loob ng ilang taong nakalipas

    At sa mga susunod na buwang darating
    Ay 20 metric tons ang napabalita ring
    Sa United States naman yan dadalhin
    Base sa news reports na nakalap natin

    Na inaasahang humigit-kumulang
    Ay aabutin ng halos isang daang
    Metriko tonelada sa kabuoan
    Ang napabalitang eksportasyon na yan

    Nagsimula nitong nakaraang Mayo
    Ang ating pageksport ng butil na ito
    Matapos ang mahigit sa kuwarenta año,
    Na tayo ang siyang umaangkat nito.

    Mula sa tayo ang siyang umaangkat,
    Tayo ngayon itong ‘exporter’ at sukat;
    Pagpapatunay lang na sadyang may sapat
    Na suplay ng bigas itong Pilipinas.

    Pero ang masaklap sa puntong naturan
    Ay tayo ang siyang kapos kadalasan
    At walang mabili sa magbibigas diyan
    Kundi ng ‘re-milled’ na NFA kung minsan

    At tayo na siyang dapat makatikim
    Ng sariling ani’t masarap na kanin,
    Itong kumbaga ang walang maisaing
    Na 1st class na bigas kundi ng amagin

    Na nire-mill nga lang nitong mga tuso
    At mapanilinlang na may-ari ng kono
    Na kasabwat minsan ng mga ‘dorobo’
    Nating opisyales sa ating gobyerno!

    Na ugat at lahat ng pananamantala
    Kung kaya malimit sumisirit bigla
    Ang presyo ng bigas at tayo ang wala
    Ng mabili kundi ang lasang pinawa.

    Gayong katulad nga ng ating tinuran
    Ay tayo ang siyang pinanggagalingan
    Ng magandang klase kumpara saan mang
    Karatig bansa na posibleng pagkunan.

    Katulad niyan,  kapag nagkasunod-sunod
    Itong sa ibang bansa natin ine-‘export’
    Ang ganyan karami na ilang metrikos
    Na tonelada n’yan – pero pagkatapos…

    Ay tataas naman ang presyo ng bigas
    At tayo ang walang mabili kaagad?
    At kung saan itong mga mahihirap
    Na masang Pinoy ang mamatay ng dilat?

    Sanhi ng di na n’yan makuhang abutin
    Ang presyo ng kahit bigas na amagin
    Pero sumusunod sa halaga pa rin
    Ng bigas komersyal na na may halo na rin

    Kaya sa puntong yan kung alin ang bansa
    Na maituturing na sadyang sagana,
    Sa nasabing butil ang nakatunganga
    Oras na tayo ang kapusin ng bigla?

    At ang masakit ay tayo na nagbenta
    Ng bigas sa ‘abroad’ ay siya kumbaga
    Itong sa merkado ay walang makuha
    Na murang bigas at medyo sariwa pa!

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here