Pagsusuri sa tibay ng Angat Dam sisimulan na

    4158
    0
    SHARE

    NORZAGARAY, Bulacan—Masisimulan na ang pag-aaral at pagsusuri sa katatagan ng mga dike ng Angat Dam laban sa lindol bago matapos ang taon.

    Ito ay dahil sa ipasusubasta na ang pagsasagawa ng pag-aaral sa 43-taong dam kung saan ay tatlong kumpanya na ang nagpahayag ng interes.

    Ayon kay Inhinyero Rodolfo German, general manager ng Angat River Hydro Electric Power Plant (Arheep), halos tapos na ang paunang pag-aaral ng binuong technical working group (TWG).

    Ang grupo ay binubuo ng mga dalubahasang kinatawan mula sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), National Disaster Risk Reduction Management Council (Ndrrmc) at Bureau of Soils and Water Management (BSWM).

    Ang TWG ay binuo  matapos lagdaan ng National Power Corporation (Napocor), Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS), at  Power Sector Assets and Liabilities Management (Psalm) ang isang  memorandum of agreement (MOA) para sa pagsasagawa ng pag-aaral upang matiyak kung kailangan ang isang indipendienteng pag-aaral sa dam.

    Sa naunang pahayag, sinabi ni Inhinyero Froilan Tampinco, pangulo ng Napocor, na kailangan ang isang indipendienteng pag-aaral ng mga dalubhasa sa dam upang matiyak at matukoy ang katatagan nito laban sa lindol.

    “Baka before the end of the year at maipa-bid na ang pagsasagawa ng study,” ani German, sa isang panayam noong Huwebes, Agosto 18.

    Ayon kay German, tatlong kumpanya  kabilang ang isang nakabase sa New Zealand ang nagpahayag ng interes sa pagsasagawa ng pagsusuri at pag-aaral.

    Sinabi niya na dalawa sa kumpanya ay nakabase sa Pilipinas, ngunit ang ikatlo ay ang Tonkin and Taylor Group na nakabase sa New Zealand.

    Ayon kay German, ang Tonkin and Taylor Group ay may pakikipagkasundo sa Engineering and Development Corporation of the Philippines (Edcop), isang kumpanyang Pilipino na nakabase sa Lungsod ng Mandaluyong.
    “We still don’t know who will win in the bidding, but I think they will award the contract to winner bidder before the end of the year,” ani German.

    Katulad ng naunang pahayag ni Tampinco, ipinaliwanag ni German na dapat masimulan agad ang pag-aaral.
    “Mas maganda kung masimulan agad,” aniya at idinagdag na “kung walang  problemang makikita mas maganda, pero kung may problema, magagawan agad ng paraan.”

    Una rito, binalaan ng direktor ng Phivolcs na si Dr. Renato Solidum noong 2009 ang Bulacan na “prepare for the worst.”

    Ito ay matapos niyang ibulgar sa noo’y bumubuo ng Sangguniang Panlalawigan ng Bulacan na posibleng masira ang Angat Dam kung sakaling lilindol ng malakas sanhi ng paggalaw ng Marikina West Valley fault line na nakabalatay sa ilalim ng lupa mula sa dam hanggang sa may Taal Lake sa Batangas.

    Ayon kay Solidum, dahil sa haba ng fault line, kapag gumalaw ito ay maaaring magbunga ng lindol na may lakas na magnitude 7.2.

    Dahil sa posibilidad ng trahedya at kalamidad, agad tinawagan ng pansin ni Gob. Wilhelmino Alvarado ang Napocor.

    Ito naman ay tinugon ng Napocor kayat agad din silang nakipag-ugnayan sa MWSS at Psalm para sa pagsasagawa ng pag-aaral.

    Ayon kay Alvarado, kung sakaling hindi kakayanin ng mga dike ng dam ang lindol, may panahon pa para kumpunihin ang dam.

    Ipinaliwanag niya na may mga interbensyon ng hatid ang siyensa para maiwasan ang trahedya.
    “They can always retrofit Angat Dam, kaya lang kailangan mabilis ang pagkilos kasi hindi natin alam kung kailan lilindol at kung gaano kalakas,” ani Alvarado. 

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here