Pagsasapribado ng Napocor, MRT, LRT tinutulan

    466
    0
    SHARE
    CALUMPIT, Bulacan – Tinutulan ni Senador Juan Miguel Zubiri ang pagsasapribado ng mga ari-arian ng gobyerno at tinawag itong isang kapalpakan.

    Kabilang sa mga ari-arian ng gobyernong planong isapribado ang operasyon ay ang mga planta ng kuryente, Metro Rail Transit (MRT) at Light Rail Transit (LRT).

    Bukod dito, pinayuhan din ni Zubiri ang administrasyong Aquino na kalimutan ang pagkalugi sa pagbibigay ng subsidiya sa pamasahe sa LRT at MRT dahil iyon daw ay bahagi ng responsibilidad ng pamahalaan sa mamamayan.

    “I am always opposed to privatization of state owned assets especially on the power sector and the mass transport system,” ani Zubiri sa panayam ng Punto noong Huwebes (Abril 7).

    Si Zubiri ay nakapanayam sa Collegio de Calumpit (dating Calumpit Institute) na matatagpuan sa bayang ito noong Huwebes ng gabi kung kailan ay nagsilbi siyang panauhing pandangal sa araw ng pagtatapos ng mahigit 300 mag-aaral sa sekundarya ay kolehiyo.

    Ayon sa senador, ang pagsasapribado ng mga ari-arian ng gobyerno ay nangangahulugan ng kabawasan ng kontrol ng pamahalaan sa presyo ng kuryente.

    “Mawawalan tayo ng control sa presyo ng kuryente sa merkado, we’ll have a big problem there, because once it is privatized, we will have no say, no control, no power whatsoever to impose in bringing down price of electricity,” aniya.

    Binigyang diin ni Zubiri na matapos mapagtibay ang Electric Power Industry Reform Act of 2001 ay nagtuloy-tuloy na ang pagtaas ng presyo ng kuryente na nagpapahirap sa mga mamamayan.

    “That’s the problem with privatization of government assets, the public suffers,” aniya at iginiit na ganito rin ang mangyayari kung matutuloy ang planong pagsasapribado ng operasyon ng MRT at LRT.

    “Isang kapalpakan iyan ng gobyerno kung itutuloy nila na i-privatize ang MRT at LRT,” aniya.

    Una rito, inihayag ng administrasyong Aquino ang plano na isapribado ang operasyon ng  MRT at LRT; na ikinasiya ng ibat-ibang negosyante na nagpahayag ng interes na bilhin ang government stake sa dalawang kumpanya.

     “Its really foolish to privatize our mass transport  system,”  aniya  at ipinaliwanag na ang mga mas mauunlad na bansa sa Asya tulad ng Singapore, Japan, Korea, Thailand, Indonesia, Malaysia at Hongkong ay hindi isinapribado ang operasyon ng kanilang rail system.

    Nagbabala siya na ang mas mahihirapan sa pagsasapribado ng MRT at LRT ay mga manggagawang Pilipino dahil sa tinatayang aabot sa 50 hanggang 100 porsyento ang itataas ng pamasahe doon oras na masapribado.

    Ngunit para sa mga namamahala ng ekonomiya ng bansa, ang pagpapatuloy ng subsidiya sa pamasahe sa MRT at LRT ay nangangahulugan ng bilyong pisong pagkalugi.

    “Obviously, there will be loses because that is subsidized, pero iyan ang trabaho ng gobyerno, eh ano pa gagawin ng gobyerno kung nasa pribado na ang operasyon niyan,” ani Zubiri.

    Iginiit niya na dapat maunawaan ng gobyreno na ang pagbibigay ng subsidiya ay isang paraan ng paglilingkod ng pamahalaan sa mga mamamayan.

    “The government has to accept that there should be subsidy, its natural, its mandatory for the government to shoulder expenditures,” ani ng Senador.

    Para mabawasan ang pagkalugi sa subsidiya, sinabi ni Zubiri na dapat palakasin ng gobyerno ang non-ticket revenues ng MRT at LRT tulad ng pagtanggap ng mga advertising.
    Hinggil naman sa mga negosyanteng nagpahayag ng interes na bilhin ang  MRT at LRT, sinabi ni Zubiri na wala siyang problema sa mga ito at sinabing mas interesado siya sa polisiya ng gobyerno.

    “What’s important for me are government policies, and the government policy must be that the last jewel of the mass transport system should remain in government’s hands,” aniya.

    Nangako rin siya na pangungunahan niya ang mga grupong  lalaban sa pagsasapribado ng mga ari-arian ng gobyerno kung sakaling matuloy ang planong ito.


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here