Home Headlines Pagsasaayos ng nabutas na tulay sa Ecija uumpisahan na

Pagsasaayos ng nabutas na tulay sa Ecija uumpisahan na

432
0
SHARE
Nilagyan ng steel plates ang butas sa bagong Gen. Luna (Valdefuente) Bridge sa bahagi ng Maharlika Highway o Nueva Ecija Cagayan Valley Road. Kuha ni Armand Galang

LUNGSOD NG CABANATUAN – Sisimulan na sa Sept. 5 ang pagsasaayos ng contractor sa nabutas na bahagi ng bagong Gen. Luna (Valdefuente) Bridge sa Maharlika Highway dito. 

Nakipag-ugnayan na umano ang hindi pinangalanang kumpanya sa Department of Public Works and Highways 2nd District Engineering Office (DPWH- 2nd DEO) hinggil sa gagawing pagsaayos at sa Pamahalaang Lungsod ng Cabanatuan upang magpatulong sa pagsasaayos ng trapiko.

Nanindigan naman si 2nd DEO Engr. Robert Jay Panaligan na hindi substandard ang pagkakagawa sa tulay.

Ang proyekto ay nasa ilalim ng pangangasiwa ng DPWH-Region 3.

Pinuna ng publiko ang pagkakaroon ng butas ng tulay gayong humigit kumulang nasa isang taon pa lamang itong nadaraanan. Naniniwala ang marami na substandard ang pagkakagawa nito.

Ngunit, ayon sa mga opisyal, sadya raw napakaraming malalaking truck na dumaraan dito mula at patungong norte, lalo na ang mga hindi pinapayagang dumaan sa mga expressway na katulad ng NLEX, CLEX, at TPLEX.

Ayon kay Nueva Ecija 3rd District Rep. Jay Vergara, lumalabas daw sa traffic meter ng DPWH na nasa 25,000 hanggang 30,000 trucks ang dumaraan sa Gen. Luna Bridge kada araw. Karaniwan aniya sa mga ito ay nasa 60 to 70 tons, lampas sa 38 tons na isinasaad sa regulasyon ng DPWH.

Kaugnay nito, pinagtibay na umano ng Sangguniang Panglungsod ng Cabanatuan ang ordinansa para sa probisyon ng weighing scale sa mga daan papasok at palabas ng lungsod.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here