Home Headlines Pagresolba sa pagpatay sa Arayat barangay chairman hiling ng dating vice mayor

Pagresolba sa pagpatay sa Arayat barangay chairman hiling ng dating vice mayor

416
0
SHARE
Si dating Arayat Vice Mayor Sixto Mallari sa isang press conference nitong Huwebes. Kuha ni Rommel Ramos

LUNGSOD NG SAN FERNANDO — Dapat na agad na maresolba ang pagpatay sa isang barangay chairman na pinagbabaril mismo sa loob ng barangay hall sa bayan ng Arayat kamakailan.

Ito ang panawagan ni dating Arayat Vice Mayor Sixto Mallari sa lokal na pamahalaan at sa kapulisan. 

Ayon kay Mallari kinausap niya si Arayat Mayor Maria Lourdes Alejandrino na magbuo ng task force at atasan ang kapulisan na tutukan ang pagresolba sa pagpatay kay Barangay Lacquios chairman Mel Lumbang.

Sa paniwala kasi ni Mallari ay pawang mga professional ang mga salarin sa pagpatay kay Lumbang.

Paniwala din niya na hindi taga-Arayat ang mga ito na ayon sa impormasyon ay tumakas patungong Nueva Ecija.

Aniya, matagal ng tahimik ang kanilang bayan dahil nahikayat na nila na magbalik sa gobyerno ang mga rebelde na mga nagsilbihan pang mga barangay kagawad o barangay captain.

Dagdag ni Mallari, dahil wala nang armadong grupo sa kanilang bayan kayat para sa kaniya ay nakakaalarma ang ganitong insidente ng pagpatay at kailangang agad na maresolba para mawala ang pangamba ng mga mamamayan.

Matatandaan naman na nakita pa sa closed circuit television (CCTV) camera ang nangyaring pag-atake sa barangay hall ng Lacquios noong gabi ng Agosto 11 kung saan isang itim na sasakyan ang tumigil sa labas ng barangay hall, at ilang armadong lalaki ang lumabas at nagpaputok ng baril.

Tumakas ang mga salarin nang gumanti ng putok ang mga bodyguard ni Lumbang.

Aalamin daw ng kapulisan kung may kaugnayan sa trabaho o ang pagiging dating miyembro ni Lumbang sa rebeldeng grupo na mga posibleng motibo sa krimen.

Matatandaan din na nakulong si Lumbang noong taong 2000 sa kasong murder at frustrated murder at nakalaya matapos ang 16 taon hanggang sa maupong barangay chairman.

Bumuo na rin noon ng Special Investigation Task Group Lumbang ang PNP para tutukan ang nasabing kaso. 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here