Home Headlines Pagpick-up sa balikbayan boxes pinayagan na ng BoC

Pagpick-up sa balikbayan boxes pinayagan na ng BoC

689
0
SHARE
Si Robert Uy, presidente ng FR Agbay Enterprises habang pinapaliwanag sa mga OFWs ang pagpapamigay nila ng mga balikbayan boxes sa Balagtas. Kuha ni Rommel Ramos

BALAGTAS, Bulacan —- Pinayagan na ng Bureau of Customs ang pagpick-up ng mga balikbayan boxes ng FR Agbay Enterprises sa Hobart Warehouse Compound sa nasabing bayan.

Ito ay matapos na magkaroon ng bahagyang tensyon sa nasabing warehouse nitong nakaraang linggo nang magalit ang mga OFW at ilang kaanak na naroon na kukuha sana ng mga balikbayan boxes at malaman ang directive order ng BoC na hindi na maaring ibigay sa kanila ang mga kahon.

Sa paliwanag noon ni BoC director Michael Fermin, focal person for the subject balikbayan boxes, sa halip na ipa-pick up ng FR Agbay Enterprises ang mga balikbayan boxes ay dapat na gawin nito ang imbentaryo ng mga packages at masimulan ang door-to-door delivery.

Ngunit nitong Sabado ay nagpatuloy na ang FR Agbay Enterprises sa pagpapamigay ng mga kahon matapos umanong payagan na ng BoC ang pagpapa pick-up sa nasabing warehouse.

Ayon kay Robert Uy, presidente ng FR Agbay, matapos ang mga pagpupulong nila sa tanggapan ni BoC commissioner Yoghie Ruiz sa pamamagitan ni chief of staff Atty. Antonio Beado ay naituloy na nila ang pagpapakuha sa mga balikbayan boxes.

Natapos na din sila sa inventory ng 4,000 balikbayan boxes na nasa mahigit 1,000 na ang naipapamahagi habang ang 3,000 ay target na tapusin bago sumapit ang Kapaskuhan.

Matatandaan naman na nakasaad sa sulat ng BoC sa FR Agbay Enterprises na may petsang November 4 ay inaatasan ito na huwag nang maglabas ng mga balikbayan boxes mula sa warehouse.

Ani Fermin, hindi dapat na ipinatatawag ang mga OFW para kuhanin ang mga packages sa halip ay gawin ng FR Agbay Enterprises ang imbentaryo at sasagutin naman ng BoC at ng Door-To-Door Consolidators Association of the Philippines o DDCAP ang deliveries.

Ngunit tutol dito ang FR Agbay Enterprises dahil libre lamang daw ang kanilang serbisyo bilang kawanggawa sa mga OFWs habang mahal naman ang singil ng DDCAP.

Sinusubukan ng Punto na makuha muli ang panig ni Fermin hinggil dito ngunit hindi pa ito sumagot sa aming tawag.

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here