Home Headlines Pagpasok ng baboy sa Bulacan, hinigpitan laban sa ASF

Pagpasok ng baboy sa Bulacan, hinigpitan laban sa ASF

501
0
SHARE
Ang mga alagang baboy ni Alejandro Roque sa muling pagsubok sa negosyo sa gitna pa rin ng banta ng ASF. Kuha ni Rommel Ramos

LUNGSOD NG MALOLOS — Hinigpitan ng pamahalaang panlalawigan ang pagpapasok ng mga buhay, katay, luto, at iprinosesong karne ng baboy dahil African swine fever-free na ang lalawigan ngayong taon.

Ayon kay provincial veterinarian Dr. Voltaire Basinang, huling nakapagtala ng kaso ng ASF sa lalawigan noong December 2022 ngunit ngayong taon ay wala pang naitatalang kaso kayat naghigpit ang Kapitolyo sa pagpapasok ng mga baboy.

Nakasaad aniya sa Executive Order No. 13, series of 2020 (An Order Prohibiting the Entry of Live Pigs and Its Meat Products Coming from Areas Affected by African Swine Fever in the Province of Bulacan), na mahigpit na ipinagbabawal ng Kapitolyo ang pagpasok ng mga baboy na magmumula sa mga lugar na apektado ng ASF na idineklara ng National Task Force for Prevention of ASF.

Habang kailangan munang kumuha ng letter of acceptance mula sa provincial veterinary office (PVO) ang magbibiyahe mula sa pink at green zones o iyong mga mula sa buffer, protected, at free zones na may kasamang negatibong resulta ng ASF test na hindi tatagal ng higit sa dalawang linggo mula sa oras ng pagbiyahe bago payagang makapasok sa Bulacan.

Gayundin, patuloy ang pagsasagawa ng PVO ng surveillance sa mga backyard raiser mula sa iba’t ibang lungsod at bayan, habang nagsasagawa ng test ang mga commercial farms at isinusumite ang resulta nito sa PVO.

Ito aniya ay upang siguraduhin na hindi maaapektuhan ang mga programa ng Kapitolyo na muling palakasin ang industriya ng pagbababoy.

Nagsagawa rin ang tanggapan ng biosecurity seminar para sa mga magsasaka mula sa lahat ng bayan at namahagi ng disinfectants upang pagbutihin ang biosecurity ng backyard farmers upang tulungan sila na umiwas sa ASF.

Ani Basinang, sa ngayon ay nasa 40% na ng magbababoy sa Bulacan ang nakabalik sa industriya na nagsu-supply sa lalawigan at Metro Manila. Samantalang 80% sa porsientong ito ang nasa hanay ng commercial hog raisers habang 20% naman ang mga backyard raisers.

Isa si Alejandro Roque ng Barangay Santor ang bumalik na ngayon sa pag-aalaga ng baboy matapos tamaan ng ASF noong 2019.

Nabigyan kasi siya ngayon ng pamahalaan ng anim na baboy para paramihin.

Gayunpaman, ani Roque, sa muli niyang pagsubok sa pag-aalaga ng baboy ay naroon pa rin ang pangamba na tamaan pa rin ang mga ito ng ASF dahil wala pang bakuna para labanan ang naturang sakit.

Nasa apat na taon din siyang hindi nag-alaga ng baboy mula nang tamaan ng ASF ang kanyang backyard farm.

Nasa halos 100 alaga niyang mga baboy ang naapektuhan noon ng ASF at binayaran na lang ng gobyerno ang mga natirang buhay ng halagang P5,000 kada ulo.

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here