Home Headlines Pagpapataas ng kamalayan sa West Philippine Sea isusulong sa mga paaralan sa...

Pagpapataas ng kamalayan sa West Philippine Sea isusulong sa mga paaralan sa Bulacan

251
0
SHARE

LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Target simulan sa mga paaralan sa Bulacan na higit na mapalaganap ang pagpapataas ng kamalayan ng mga kabataan tungkol sa mga usapin sa West Philippine Sea.

Iyan ang tiniyak ni Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary for Bilateral Relations and ASEAN Affairs Ma. Theresa Lazaro sa kanyang pagtalakay tungkol sa implikasyon ng agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea, sa ginanap na panayam ng Dangal ng Bulacan Foundation Inc. sa pakikipagtulungan ng ahensiya.

Ipinaliwanag niya na makatwiran na hindi lamang maipaalam kundi mas mapaunawa kung anu-ano ang epekto ng nasabing usapin sa buhay ng karaniwang Pilipino sa aspeto ng pagkain, enerhiya, langis at kalikasan.

Ang magiging sistema, magsasagawa ang DFA ng mga pagsasanay sa mga kasapi ng Dangal ng Bulacan Foundation Inc. at iba pang kwalipikado upang maturuan kung papaano matalakay ang mga usapin sa West Philippine Sea.

Detalyadong ipinaliwanag ni Department of Foreign Affairs Undersecretary for Bilateral Relations and ASEAN Affairs Ma. Theresa Lazaro (kaliwa) ang mga hakbang ng Pilipinas upang ipagtanggol ang karapatan sa teritoryo sa West Philippine Sea, sa ginanap na panayam ng Dangal ng Bulacan Foundation Inc. sa pakikipagtulungan ng ahensiya na idinaos sa Lungsod ng Malolos, Bulacan. (Shane F. Velasco/PIA 3)

Ang mga makukuhang tagapagsalita ang ipapadala sa mga paaralan upang makapagsagawa ng mga panayam o forum tungkol dito.

Naniniwala si Lazaro na kapag natutunan nang husto ng mga kabataan ang kahalagahan ng usapin, magkakaroon ito ng epekto sa paraan at kakayahan nilang magdesisyon mula sa pagboto, pagbili at maging sa pananaw na tumulong para magkaisa ang bansa na lubos na maipagtanggol ang West Philippine Sea.

Bukod dito, kapag dumami na aniya ang mga karaniwang tao na nagpapahayag ng pagnanais na maipagtanggol ang teritoryong nasa Pilipinas, mabibigyan naman ng inspirasyon ang mga Pilipinong nasa frontline sa West Philippine Sea tulad ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine Coast Guard (PCG).

Binigyang diin pa ni Lazaro na magiging pagkakataon din ang mga planong forum na ito upang maipaliwanag nang husto sa mga kabataan ang mga kongkretong hakbang ng pamahalaan hinggil dito.

Pangunahin dito ang sabayang pagpapatupad sa patuloy na pagpapalakas sa AFP at PCG habang pinapaigting ang pakikipag-alyansa ng Pilipinas sa iba’t ibang bansa.

Aniya, bagama’t mahalaga ang mga alyansa sa mga bansang umaayon at sumusuporta, importante pa ring tutukan ang Self-Reliant Defense Posture ng Pilipinas.

Samantala, sinabi naman ni De La Salle University-Manila professor at Dangal ng Lipi 2019 awardee Antonio Ligon na mahaba at malalim ang usapin sa West Philippine Sea mula nang unang magpahayag ng pang-aangkin ang China simula taong 1947. K

aya’t makatwiran na detalyado itong maipaliwanag sa mga kabataan na dapat magmamana ng teritoryong ito.

Taong 2016 nang katigan ng Permanent Court of Arbitration sa The Hague, Netherlands ang Pilipinas sa paghahabla nito laban sa China.

Pinapawalang bisa nito ang nine at ten dash lines na sinasabing sakop o pag-aari ng nasabing bansa.

Isinasaad din sa nasabing desisyon na kapwa may sovereign rights ang Pilipinas, Vietnam at China partikular sa Scarborough Shoals.

Positibo ang Department of Education (DepEd) sa inisyatibong ito ng DFA at ng Dangal ng Bulacan Foundation.

Para kay DepEd Malolos School Division Superintendent Leilani Cunanan, napapanahon ang ganitong mga usapin na makatwiran lamang mailahok ang mga kabataan upang lubos na mapalitaw sa kanila ang diwa ng pagiging “Bansang Makabata at Batang Makabansa”. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here