Home Headlines Pagpapataas ng kalidad ng edukasyon tinututukan ng pamahalaan – DBM

Pagpapataas ng kalidad ng edukasyon tinututukan ng pamahalaan – DBM

453
0
SHARE

LUNGSOD NG CABANATUAN (PIA) — Ibinahagi mismo ni Budget and Management Secretary Amenah Pangandaman na nananatiling prayoridad ng kasalukuyang administrasyon ang pagpapaunlad sa sektor ng edukasyon.

Panauhing pandangal ang kalihim sa idinaos kamakailan na talakayan sa Nueva Ecija University of Science and Technology (NEUST) sa lungsod ng Cabanatuan.

Sa kaniyang mensahe ay ipinahayag ni Pangandaman ang mahalagang papel ng mga State Universities and Colleges (SUCs) sa paghubog ng kaisipan at pagkatao ng mga kabataan hanggang sa sila ay makatawid sa napiling propesyon at karera.

Ang mga SUCs aniya ay tumutulong sa pagtataguyod ng kalidad at abot-kayang edukasyon sa bansa, na nakikitang daan upang mapaangat ang pamumuhay ng maraming pamilyang Pilipino.

“Kaya naman po, mariing tagubilin ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na patuloy na bigyang prayoridad ang sektor ng edukasyon sa bansa,” dagdag ni Pangandaman.

Panauhing pandangal si Budget and Management Secretary Amenah Pangandaman sa talakayan tungkol sa pagpapaunlad ng socio-economic ng bansa sa pamamagitan ng pananaliksik, inobasyon, at technology transfer, na idinaos kamakailan sa Sumacab Campus ng Nueva Ecija University of Science and Technology, sa lungsod ng Cabanatuan. (DBM)

Kaugnay nito ay nagpondo ang kasalukuyang administrasyon ng kabuuang P924.7 bilyon para sa sektor ng edukasyon sa susunod na taon.

Nakapaloob dito ang patuloy na paghahandog ng libreng pag-aaral sa kolehiyo sa ilalim ng Universal Access to Quality Tertiary Education program na may nakalaang pondo na P51.1 bilyon, na kung saan ang P21.7 bilyon ay nakaukol para sa mga SUCs sa buong bansa.

Maliban pa rito ang P3.4 bilyon na inilaan ng pamahalaang nasyonal para sa mga pagawain o infrastructure projects ng mga SUCs sa susunod na taon.

Kabilang pa sa mga isinusulong na inisyatibo ng pamahalaan ang pagtutok at pagsuporta sa mga programang may kaugnayan sa innovation, research and development (R&D).

Ibinalita ni Pangandaman na mula sa kabuuang P5.768 trilyon na panukalang pambansang badyet para sa susunod na taon ay P18.2 bilyon ang nakalaan para R&D programs.

Bukod pa ang alokasyong humigit kumulang P116 milyon para sa pagtatatag ng Innovation Fund na nakapaloob sa 2023 General Appropriations Act na may layuning masuportahan ang mga sektor na nasa linya ng pagbuo ng mga makabagong teknolohiya at inobasyon.

Sinabi rin ng kalihim na kasama sa pambansang badyet ngayong taon ang pondong P7.9 bilyon ng Department of Science and Technology para sa R&D, habang mahigit P4.4 bilyon ang inilaan sa Department of Education, SUCs, at Department of Migrant Workers.

Panawagan ni Pangandaman sa mga SUCs na patuloy manguna at magsumikap sa paglalapit ng de-kalidad na edukasyon sa mga kabataan na silang inaasahang tatayo bilang mga susunod na lider ng lipunan.

Kaya nararapat lamang aniya na gabayan at suportahan ang mga kabataan sa pamamagitan ng pagpapaunlad ng kanilang mga kakayahan.

Sa kaniyang mensahe ay ipinahayag ni NEUST President Feliciana Jacoba na kaisa ng Department of Budget and Management (DBM) at ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan ang pamantasan sa paghubog ng kahusayan ng mga kabataan.

Magpapatuloy aniya ang NEUST sa pagpapalaganap ng mga teknolohiya batay sa mga kakayahang makapagbigay ng solusyon sa mga suliranin sa lipunan at pagtulong sa pag-unlad ng ekonomiya.

Kaniyang binanggit ang ilan sa mga research project o output ng unibersidad tulad ang pagtatatag ng Metal Innovation Center, Center of Environmental Research, at Onion and Garlic Research and Development Center.

Sa kabilang banda, panauhin din sa idinaos programa sina DBM Undersecretary Goddes Hope Libiran, Undersecretary Wilford Will Wong, Nueva Ecija Governor Aurelio Umali, Cabanatuan City Mayor Myca Elizabeth Vergara, Palayan City Mayor Viandrei Nicole Cuevas, at Carranglan Mayor Rogelio Abad, na nilahukan ng mga opisyales, guro, kawani at mag-aaral ng NEUST. (CLJD/CCN-PIA 3)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here