TINGNAN mo naman kung gaano ka-atat
Mangampanya itong mga naghahangad
Na maging Pangulo, kahit di pa dapat,
Partikular na ang ilang maa-agap;
At may supisyenteng salapi kumbaga
Para maisulong ang kandidatura,
Sa paraang sila itong ikakasa
Ng mga kakampi’t handang sumuporta;
Sa dahilang sila ang may kakayahang
Gumastos ng higit sa inaasahan,
At makapagbigay ng tulong pinansyal
Para sa kandidato nilang pang-lokal.
Na umaasa lang sa suporta nila
Upang maglibot at makapangampanya;
Na lubhang malayo at sadyang kakaiba
Kaysa kalakaran noong sinauna!
Pagkat kahit ika’y walang pera noon
Ay posibleng manalo ka sa eleksyon,
Gaya halimbawa ng bantog na “poor boy”
Ng Lubao, Pampanga na si Mamang Dadong!
Sa ngayon, di dunong ang punto de vista
Ng manghahalal ang tinitingnan nila,
Kundi sa dami ng pamigay na pera,
Kung kaya’t ungos ang makapal ang bulsa
Na kagaya nina Villar at Ping Lacson,
Na di lang sa Pinas may savings o ipon,
Kundi pati na rin po yata sa London
At sa Amerika ng hundreds of million;
At puera kay Villar, posible rin namang
Bago matapos ang natitirang “ber months”
Ay si Legarda ang maghahayag naman
Ng kanyang intensiong makipagsabayan.
Na di pa man nga ay nagpaparamdam na
At pasimple na ring gaya nitong iba
Ay idinadaan sa pag-endorse nila
Ng isang produkto na ibinebenta.
Kung saan tiyakang ya’y mag-aagawan
Sa pag-endorso r’yan – kahit di bayaran –
Ng kahit ano pang klase ng commercial,
Na pang-television, radyo’t pahayagan.
Na ngayon pa lang ay sinasamantala
Na ng ilan sa paraang hindi tama;
At kahit alam ng ito ay bawal nga
Ay patuloy pa rin nilang ginagawa.
Kasi’y premature campaign ng maituturing
Ang naturang bagay kung paka-isipin;
Kung kaya’t marapat lamang po marahil
Na ang sistemang ya’y ating ipatigil!
Anong silbi nitong tayo ay may batas
Na kinakailangan nating ipatupad,
Kung sa kabila ng ating pagsiskap
Na maipa-iral, yan ay nilalabag?
O sadyang likas na sa nakararami
Nating pulitiko ang kawalang silbi?
At wala na yatang lubos inintindi
Kundi pakinabang para sa sarili?
Kung kaya’t malayo pa po ang eleksyon
Ay di na malaman sa kung papaanong
Klase ng gimik n’yan masapawan itong
Kapwa ambisyosong pulitiko ngayon!