Home Headlines Pagpapalaki sa palengke ng Pulilan magdadagdag ng 96 na pwesto

Pagpapalaki sa palengke ng Pulilan magdadagdag ng 96 na pwesto

182
0
SHARE

PULILAN, Bulacan (PIA) — Magbubukas ng karagdagang 96 pang mga bagong pwesto ang Pamilihang Bayan ng Pulilan sa Bulacan na nasa kasagsagan ng rekonstruksiyon at pagpapalaki.

Iyan ang ibinalita ni Mayor Maria Rosario Ochoa-Montejo sa pormal na paglulunsad ng Paleng-QR Ph Plus Program.

Mula sa kasalukyang 217 na mga pwesto, magiging 313 na ang mas malaking palengke sa taong 2025.

Ang unahang bahagi ay isang palapag habang dalawang palapag ang nasa bandang likuran nito.

Makikita sa larawan na nasa kasagsagan ang pagpapalaki ng palengke ng Pulilan sa Bulacan mula sa 217 na pwesto sa pagiging 313 sa taong 2025. Isinasakatuparan ito sa tulong ng P300 milyong pahiram na pondo ng Land Bank of the Philippines. (Shane F. Velasco/PIA 3)

Iba pa rito ang itatayong tatlong palapag na istraktura sa gawing gilid ng palengke na bubuksan para sa karagdagang mga magtitinda.

Nilinaw naman ng punong bayan na walang mawawalan ng pwesto partikular sa mga orihinal at lehitimong pwesto sa pamilihang bayan.

Layunin aniya ng pagdadagdag ng mga pwesto na makatulong na mapataas din ang kita ng pamahalaang bayan na mailalaan sa iba’t ibang lokal na proyekto.

May halagang P300 milyon ang ginugugol sa proyekto sa tulong ng pahiram na pondo mula sa Land Bank of the Philippines.

Tiniyak ni Montejo na mababayaran ito ng pamahalaang bayan dahil sa patuloy na pag-angat ng koleksiyon nito sa buwis at iba pang pinagkakakitaan gaya ng palengke.

Mula sa pagkakaroon ng koleksiyon na P350 milyon noong taong 2016, umangat ito sa P650 milyon noong 2023.

Tinataya naming aabot sa P680 milyon ang magiging kita ng pamahalaang bayan ngayong 2024 at P700 milyon sa taong 2025. (CLJD/SFV, PIA Region 3-Bulacan)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here