Pagpapaalis sa base militar ng US ginunita

    526
    0
    SHARE

    Nakangiting nagpakuha ng larawan si Bulacan Gov. Wilhelmino Alvarado kasama ang ilan sa may 100 siklistang lumahok sa commemorative bike tour kaugnay ng ika-20 taong anibersaryo ng pagtutol ng Senado sa pananatili ng base militar ng US sa bansa noong 1991.

    Kuha ni  Dino Balabo

    MALOLOS CITY – Hindi dapat pumayag ang mga Pilipino sa pakikialam ng mga banyaga, ayon sa mga aktibistang nagsagawa ng paggunita sa ika-20 taong pagpapaalis ng Senado sa base militar ng Estados Unidos sa bansa.

    Ang nasabing paggunita ay tinampukan ng dalawang araw na pagbibisikleta mula Maynila hanggang Subic Bay sa Zambales na tinatayang may layong 150 kilometro.

    Ang mga dumalo sa dalawang araw na commemorative bike tour ay dumaan sa Bulacan, Lungsod ng Angeles sa Pampanga, bago tuluyang pumedal patungong Subic Bay kung saan ay matatapuan ang dating US naval base.

    Ayon kay Red Constantino ng Constantino Foundation at tagapagasalita ng commemorative tour, ang patutol ng Senado sa pananatili ng mga base militar ng Estados Unidos sa bansa noong 1991 ay hindi sapat.

    Binigyang diin niya na kailangan ipagpatuloy ng mga Pilipino ang laban at tiyaking hindi makikialam ang mga banyaga sa pamamahala sa bansa.

    “Hindi pa tapos ang laban natin, we still have to assert our sovereignty,” aniya at sinabing sa kasalukuyan ay parang namimili ang maraming Pilipino sa US at Tsina.

    Ayon kay Contantino, ang Pilipinas ay para sa mga Pilipino, ngunit may mga Pilipino na isinusuko ang kakayahan at ang nais ay mangamuhan sa mga Amerikano at Tsino.

    “Hindi ito usapin kung sino ang magandang amo. Ito ay usapin ng ating pagsasarili bilang bansa at paghawak ng responsibilidad bilang mamamayan para sa pag-unlad ng bansa,” ani Constantino.

    Binigyang diin niya na sa kasalukuyan ang pinakamalaking problema at kalaban ng mga Pilipino ay hindi ang US o ang Tsina, sa halip ay ang maiikli at kawalan ng alaala.

    Ayon kay Constantino, maraming Pilipino partikular na ang mga isinilang noong dekada 90 ang hindi nauunawaan ang mga dahilan kung bakit tinutulan ng Senado noong 1991 ang pananatili ng mga base militar ng US sa Subic Bay sa Zambales at Clark Field sa Pampanga.

    Matataandaan na bago tuluyang lisanin ng mga Amerikano ang dalawang base military kaugnay ng pagputok ng bulkang Pinatubo ay 12 senador ng republika ang nanindigan at tumutol sa kanilang pananatili.

    Ayon kay Contantino, noong una ay walong senador lamang ang tumututol sa pananatili ng base military ng US sa bansa, ngunit di nagtagal ay umabot ang kanilang bilang sa 12.

    Sila ay sina dating senador Wigberto Tañada, Jovito Salonga, Ernesto Maceda, Aquilino Pimentel, Victor Ziga, Teofisto Guingona, Rene Saguisag, Joseph Estrada, Butch Aquino, Orly Mercado, Sotero Laurel, at Senador Juan Ponce Enrile na ngayon ay Pangulo ng Senado.

    Ayon kay Constantino, bibigyang parangal nila sa Setyembre 16 ang 12 senador bilang pagkilala sa kanilang paninindigan laban sa base militar ng US noong 1990.

    Samantala, sinabi ni Isagani Giron, chairman emeritus ng Samahang Pangkasaysayan ng Bulacan (Sampaka) na halos 200,000 Pilipino ang nagmartsa sa Senado noong 1991 bilang pagsuporta sa 12 senador.

    Ayon kay Giron, ang karamihan sa mga nagsipagmartsa ay nagmula sa Gitnang Luzon.

    Ang mga ito ay dumaan sa Macarthur Highway, na siya ring dinaanan ng mga kasama ni Constantino noong Biyernes para sa muling pagtahak sa dinaanan ng mga nagsipagmartsa noong 1991.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here