I.
Marami ang NAGNANAIS na matuloy ang halalan
sa darating na DISYEMBRE ng taong kasalukuyan
lalo na ang mga taong ang hangad ay MAPALITAN
mga TAMAD na kagawad at inutil na kapitan
subalit hanggang sa ngayon ay wala pang KATIYAKAN
kung mayroong MAGAGANAP na halalang pambarangay
II.
Mayrong mga kongresista tayo at mga senador
nagmungkahing ang halalan ay huwag na munang ituloy
sa halip ang nais nila ‘y MAGKAROON ng extension
at may NAGPANUKALA rin na gawing apat na taon
ngunit sa usaping ito ay mayroong di PUMABOR
pagkat ito diumano ay labag sa KONSTITUSYON
III.
Kung sakali at matuloy ang planong PAGPAPALAWIG
sa kapitan at kagawad ng kanilang TERM OF OFFICE
ay may bentahe rin naman lalo na kung MASIGASIG
sa pagganap sa TUNGKULIN opisyales na nabanggit
ngunit kung ang kapitan ay MALABSA ang pag-iisip
sa kanyang nasasakupan dulot nito ay LIGALIG
IV.
Kung matino sana lahat ng KAPITAN at KAGAWAD
di problema kahit wala ng HALALAN pa’ng maganap
subalit kung lahat sila’y puro mga MANDURUGAS
dapat lamang pairalin ang PANGIL ng ating batas
upang di na PAMARISAN ang parusang nararapat
ikulong ng habang-buhay o kaya ay FIRING SQUAD
V.
Sa tuwing mayrong HALALANG PAMBARANGAY sa’ting bansa
puro na lamang EXTENSION ang kanilang ginagawa
sasabihing walang BUDGET kaya ayaw isagawa
samantalang mayron namang PONDONG dito itinakda
at dahil sa nangyayari marami ang NATUTUWA
mga tiwaling opisyal na sa pondo’y MASISIBA
VI.
Bakit hindi na lang sundin kung ano ang NAKASAAD
sa mga ALITUNTUNIN ng ating saligang batas
ang di ko maintindihan sa’ting mga MAMBABATAS
bakit hindi nila gawin kung ano ang NARARAPAT
at umisip ng paraan kung papaano UUNLAD
pamumuhay ng tao sa ating bansang NILILIYAG
VII.
Hindi yung puro bangayan sa KONGRESO at SENADO
nitong mga pulitiko na di MAGKAKA-ALYADO
lahat sila’y magagaling walang ibig MAGPATALO
sa kanilang iringan at sa TAGISAN ng TALINO
dapat sila’y maglingkod sa SAMBAYANANG PILIPINO
at hindi ang paglikuran lamang ang IILANG TAO