SAMAL, Bataan – Inumpisahan na bagama’t unti-unti ngayong Linggo ang pag-aayos ng mga puntod sa mga libingan sa Bataan tulad sa sementeryo ng Iglesia Filipina Independiente o Aglipay Church sa bayang ito bilang paghahanda sa nalalapit na Undas sa Nobyembre 1.
Sari-saring tanawin ng mga abalang nag-aasikaso sa kinahihimlayan ng kanilang mga mahal sa buhay ang makikita sa IFI cemetery sa Barangay Sta. Lucia.
Abala ang ilang bata sa pagwawalis habang nagpipintura ang mga nakakatandang kaanak. May naglilinis, nagpupunas ng mga nitso habang nakaantabay ang ilan. Inaasahang daragsa ang mga tao sa mga sementeryo habang palapit ng palapitang undas na pansamantalang nalimitahan ang pagdalaw dahil sa pandemya.