LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Tumatawid na sa latian ng Malolos at Paombong ang proyektong Malolos Circumferential Road Project ng Department of Public Works and Highways o DPWH
Ang bagong road network sa lungsod ay inilalatag mula sa panulukan ng Blas Ople Road sa barangay Anilao sa Malolos at Malolos-Hagonoy Road sa bahagi ng barangay Sto. Nino sa Paombong.
Ayon kay DPWH Bulacan First District Engineer Henry Alcantara, tatahakin nito ang mga latian sa mga barangay ng Anilao, Sto. Rosario, San Juan at Sto. Cristo.
Plano rin itong ikabit sa First Bulacan Industrial Complex na nasa barangay Tikay sa kahilingan ni Mayor Christian Natividad sa DPWH.
May halagang dalawang bilyong piso ang proyekto na target inisyal na mabuksan sa taong 2025 at matapos sa taong 2028.
Sa inisyal na disenyo ng DPWH, mayroon itong dalawang linya na salubungan at lalagyan ng probisyon upang mapalapad hanggang sa apat na linya sa darating na mga panahon.
Kapag natapos ang proyektong ito, magiging alternatibong daan ito ng mga motorista na mula sa Paombong at Hagonoy na paluwas sa Metro Manila na hindi na dadaan sa kabayanan ng Malolos.
Uubra ring dumaan dito ang mga taga-Malolos na nasa gawing latian na hindi na kailangan pang lumabas sa Manila North Road o kilala bilang Mac Arthur Highway.
May halagang 100 milyong piso ang inilaan ng DPWH para sa proyektong Malolos Circumferential Road mula sa Pambansang Badyet ng 2023 habang may 74.6 milyong piso naman ang ginugol noong 2021 at 2022, bilang panimula sa proyekto gaya ng pagtatayo ng dalawang tulay at inisyal na pagtatambak para sa dadaanan ng road alignment at right-of-way. (CLJD/SFV-PIA 3)