LUNGSOD NG CABANATUAN — Tiniyak ni Nueva Ecija 3rd District congressman- elect Jay Vergara na tututukan niya ang paglaban sa smuggling at wala sa panahon na pag-aangkat ng mga produktong pang-agrikultura, kabilang ang palay, sibuyas at iba pang mga gulay.
Sinabi ni Vergara, na dating alkalde at kasalakuyang vice mayor ng lungsod na ito, na bilang may karanasan sa pagsasaka ay dama niya ang hirap na kinakaharap ng mga magsasaka kaya ipagpapatuloy niya ang pag-protekta sa sektor ng agrikultura katulad ng ginagawa ni incumbent Rep. Ria Vergara na kanyang maybahay.
“Ako’y masaya na binigyan pa ako ng pagkakataon na magsilbi,” ani Vergara sa kaalinsabay ng pahayag na isusulong niya ang mga programa at serbisyo sa kapakanan ng mga taga-ikatlong distrito.
Nitong nagdaang anihan ay sumadsad sa hanggang P14 kada kilo ang presyo ng palay sa pribadong pamilihan samantalang maliit na porsiyento lamang ng mga local na ani ang napamili ng National Food Authority (NFA). Nagresulta ito ng labis na pagkalugi ng mga lokal na magsasaka.
Ayon kay Vergara, bagaman at may pagkakataon na kailangang mag-angkat ng bigas, ay mahalaga na nasa tamang timing ito na hindi maaapektuhan ang mga magsasaka.
“Ako’y nagbukid e. E di ipakikipaglaban ko ‘yung agrikultura,” ayon sa kanya. “Dahil naiintindihan kong gutom ‘yung tao e di ipakikipaglaban ko ‘yung price control. Ang pagbaba-pagtaas (ng presyo) nung bilihin.”
Bukod sa agrikultura, kasama sa tututukan ng bagong kongresista ang pagpapaangat ng serbisyong pangkalusugan, edukasyon, imprastruktura at social services.
Inihalimbawa niya ang mga programa na kanilang ipinatupad sa lungsod na ito na pagpapagawa ng diversion roads at mga gusaling pampaaralan gamit ang pondo ng lokal na pamahalaan.
Sususugan din daw niya ang ginawa ni Congresswoman Ria Vergara na pagpapalaki sa Paulino J. Garcia Memorial Research and Medical Center (PJGMRMC) na ngayon ay isa nang pangunahing institusyong pangkalusugan sa Gitnang Luzon.
“Pangkaraniwang kongresista si Ria pero ang kalusugan ng lahat ay inisip niya,” ani Vergara.
Sa bisa ng Republic Act 11704 ay ginagawang 1000-bed capacity o karagdagang 600 beds mula sa dating 400-bed ang PJGMRMC.
Samantala, nilinaw ni Vergara na pamahalaang lokal ang nagpatayo ng mga tig-apat na palapag na gusaling pampaaralan. Hindi aniya kasi ito nilalagyan ng kanilang pangalan kaya ang akala ng mga magulang at mag-aaral ay sa Depatment of Education.
Kabilang dito ang mga ipinatayo sa Cabanatuan East Central School, Lazaro Francisco Integrated School, San Josef National High School, Senior Science High School, gayundin sa Barangay Caalibangbangan, Imelda, Kalikid Sur, M. Drl Rosario, Mabini Homesite, sa kanyang termino.
Labing siyam na 4-storey naman ang naipatayo ni incumbent Mayor Myca Elizabeth Vergara para sa kabuuan na 43 four-storey schoolbuildings sa lungsod paliwanag ni Vergara. FB photograb