MALOLOS—Dapat suriing mabuti ang lahat ng bahagi ng Angat Dam upang hindi masayang perang gugugulin sa pagkukumpuni.
Ito ang payo ng Bulakenyong dam safety expert sa mga opisyalng National Power Corporation (Napocor) at Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na isa sa masigasig na nagtaguyod ng pagpapakumpuni.
Nilinaw ni Inhinyero Roderick Dela Cruz, isang lead dam safety engineer ng Southern California Edison na hindi siya tutol sa planong rehabilitasyon sa Angat Dam na pinagkukunan ng 97 porsyentong tubig inumin ng kalakhang Maynila.
Ang power plant ng dam na tinatawag na Angat River Hydro Electric Power Plant (Arhepp) ay may kakayahan namang lumikha ng 246 megawatt ng kuryente.
Ayon kay Dela Cruz, ang planong pagkukumpuni sa dama ay isang tama at napapanahong desisyon.
Gayunpaman, iginiit niya na ang pagkukumpuni sa isang dam ay nangangailangan ng masusing pagsusuri.
Sa pagbabalik ni Dela Cruz sa lalawigan, inilahad niya sa mga opisyal ng Napocor, MWSS at kapitolyo ang bunga ng isang taong pag-aaral sa planong pagkukumpuni ng dam.
“We have to understand the designs criteria we are applying in order to retrofit the dam, because the cost is massive. They have to make sure everything is covered,” ani Dela Cruz na nagbalik sa lalawigan mula Marso 16 hanggang Abril 6 bilang bahagi ng kanyang paglilingkod sa ilalim ng Balik- Scientist Program (BSP) ng Department of Science and Technology (DOST).
Batay sa kanyang isang taong pag-aaral, ipinayo ni Dela Cruz na kailangang muling suriin ang mga natukoy na design criteria para sa dam. Ito ay upang higit na maunawaan at matukoy kung sapat ba ang disenyo ng dam maging ang konstruksyon at pamamaraan sa operasyon na ginagamit doon. Ang pagtukoy na ito ay kritikal na bahagi upang matugunan ang posiblidad ng potential failure modes (PMF).
Ayon pa kay dela Cruz,kailangang matukoy kung sapat ang kakayahan ng dam sa mga posibilidad ng extreme events tulad ng malakas na bagyo, ulan at lindol sa darating na panahon. Bukod dito, dapat ding masuri ang kakayahan ng dam sa mga katulad na extreme events sa mga nagdaang panahon mula nang ito ay itayo at gamitin.
Ayon kay Dela Crzu,maaaring may mga consultant ang MWSS na nagsagawa ng pagsururi sa dam, ngunit kailangan ang pagsusuri sa kabuuan. Nilinaw niya na kadalasan, ang pagsusuri na isinasagawa ng mga consultant ay nakatutok lamang sa bahagi na tinukoy sa kanilang kontrata.
Bukod rito, kinuwestiyon din ni Dela Cruz ang basehan ng mga resulta ng pagsusuri ng mga consultant ng MWSS. Ito ay dahil sa kalagayan na walang malinaw o tukoy na batayan, regulasyon at pamantayan sa dam safety sa bansa.
Ayon kay Dela Cruz, ito ay bunga ng kawalan ng batas na nagtatakda sa dam safety standards sa bansa,
Kabilang sa tinukoy ni Dela Cruz ang bahagi ng pag-aaral na isinagawa ng Tonkin and Taylor International at Engineering Corp. of the Philippines na hindi sila nagsagawa ng site specific seismic study sa 43-taong gulang na Angat Dam.
Ito ay nangangahulugan na ang maximuim credible earthquake (MCE) para sa Angat Dam ay hindi natukoy.
Ayon kay Dela Cruz mahalaga ang site specific seismic study para sa Angat Dam upang matukoy ang mga posibleng maging problema kung lilindol ng malakas.
Inihalimbawa niya ang isang dam na bahagi ng kanilang proyekto sa Estados Unidos. Ang nasabing dam ay nakakatulad ang kalagayan ng Angat Dam na di kalayuan sa isang faultline.
Ayon kay Dela Cruz, matapos ang mahigit tatlong taon nilang pag-aaral sa dam ay hindi pa rin sila nakakabuo ng design criteria kung paano isasagawa ang rehabilitasyon.Ito ay dahil sa kailangan nilang higit na mas komprehensibong pag-aaral sa nasabing dam.
“The US government is very careful, we cannot just rehabilitate the structure until we are fully convinced that we covered everything, otherwise, we will be spending billions but later we will find out that we were not able to address the problem properly,” ani dela Cruz.
Dagdag pa niya, “once we know the dam inside out then we need to put together a procedure to come up with best solution on how we rehabilitate the dam.”
Ang Angat Dam ay matatagpuan sa bayan ng Norzagaray sa silangang bahagi ng Bulacan. Ito ay itinayo noong huling bahagi ng dekada 60.