Home Headlines Pagkukusang-loob

Pagkukusang-loob

611
0
SHARE

TINANONG KO ang isang eksperto sa wikang Filipino kung ano ba ang translation niya para sa English word na INITIATIVE. Sabi niya, INISYATIBA. Hmm, sabi ko, “wala na bang iba?” Obviously, hindi ako kuntento dahil parang hiniram lang ang salita—initiative, inisyatiba.

Sabi niya pwede ring PASIMUNO; kaya nga lang parang mas madalas daw na gamitin ang salitang PASIMUNO sa negative nitong pakahulugan—halimbawa, “Siya ang pasimuno sa lahat ng kalokohan sa kanilang klase.” Kaya nga siguro hiniram na lang ang salitang INISYATIBA para maiwasan ang negatibong kahulugan ng PASIMUNO. Pero salamat na lang at may nahugot wna isa pang salita itong ating eksperto na sa tingin ko’y mas malapit sa kahulugan ng salitang INITIATIVE, at mas positive ang dating—PAGKUKUSA. Dinudugtungan pa natin ng LOOB (as in “KUSANG-LOOB”) para idiin na hindi sa labas kundi sa loob nanggaling.

Ito ang pagnilayan nating mabuti sa araw na ito ng “Linggo ng Laetare” sa panahon ng Kuwaresma. Siyanga pala, ang Laetare ng Kuwaresma ang katumbas ng Gaudete sa panahon ng Adbiyento. Iyung sandali na ang madilim na kulay ube o lila ng panahon ng penitensya ay biglang nagiging kulay rosas. Parang paunang sulyap sa happy ending ng kuwentong akala mo’y trahedya.

Pag-asa lang ang pwedeng magpaaninag sa atin sa isang “kulay rosas na bukas” kahit madilim ang pinagdaraanan sa kasalukuyan. Ito kasi ang diwa ng ating mga pagbasa ngayon, lalo na ang ating ebanghelyo tungkol sa pag-ibig ng Diyos na kusang-loob, hindi gantimpala sa ating pagsunod.

Ganito ang sinasabi ni San Pablo sa ating ikalawang pagbasa: ang kaligtasan daw na ibinubunga ng ating pagsampalataya ay kaloob o biyaya pa rin ng Diyos. Ito daw ay grasya, hindi bunga ng ating gawa. Kaya siguro minsan sa isang conference, nasabi ng yumaong si Pope Benedict habang hinahanapan niya ng simpleng depinisyon ang pananampalataya, na ito daw ay TUGON lang natin sa Diyos (Faith as the human response to God.

What kind of response?) Anong klaseng tugon? Tugon natin sa pag-ibig ng Diyos na unang umibig sa atin; tugon ng pagmamahal sa pagmamahal niya sa atin. Ito daw ang nagpapalabas ng lahat ng totoo, mabuti at maganda sa ating pagkatao. Kapag tiningnan kasi natin ang kaligtasan bilang kabayaran o gantimpala sa ating pagpapakabuti, iisipin din natin na mahal lang tayo ng Diyos pag mabait tayo, o pag mahal natin siya.

Hindi ganoon. Baligtad. Mahal natin ang Diyos dahil namumulat tayo na mahal niya tayo. Ganito sin ang sinabi minsan ni San Juan sa kanyang Unang Sulat: (1 Jn 4:19): “Tayo ay umiibig sapagkat Diyos ang unang umibig sa atin.” Paano natin mamahalin ang Diyos kung di muna tayo namulat kung gaano tayo kamahal sa kanya? Ito ang narinig natin na paliwanag ni Hesus kay Nicodemo sa ating ebanghelyo: “Gayon na lang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan, kaya’t ibinigay niya ang kanyang bugtong na anak sa atin upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaraoon ng buhay na walang-hanggan.”

Sa madaling salita, ang misyon ng Anak ng Diyos ay hindi ang hatulan tayo ng parusa, kundi ang iligtas tayo. Sabi pa nga ni San Pablo sa Romans 5:8, “Pinatunayan ng Diyos ang kanyang pag ibig sa atin nang mamatay si Kristo alang-alang sa atin HABANG TAYO’Y MAKASALANAN PA.” Kaya ako nagtataka kung bakit madalas gawing panakot ang Diyos ng iba, as in: “Umayos ka riyan baka parusahan ka ng Diyos at itapon ka Niya sa impyerno.”

Kaya ba tayong itapon ng Diyos sa impyerno? Sabi ni San Pablo sa Romans 8, HINDI. Walang makapaghihiwalay sa atin sa pag ibig ng Diyos. Walang magtatapon sa atin sa impyerno kundi sarili natin. Tayo lang ang mahilig gumawa ng impyerno sa buhay natin, kapag kusa tayong humiwalay sa kanya. Kaya isa sa mga palatandaan ng maturity o pag-unlad ng ating pagkatao ay kapag
nagagawa na natin ang ating mga dapat gawin nang kusang-loob. Hindi daw matawaran ang kaligayahan ng magulang kapag nakita ang anak niya na kusang-loob nang gumagawa ng mabuti kahit hindi na nila utusan o kahit hindi na pagsabihan ng nakatatanda.

Hindi na naghihintay ng premyo sa mabuting gawa o natatakot na maparusahan sa masamang gawa. Sabi nga ni San Juan, “Hindi pa ganap ang pag-ibig kapag bunga ito ng pagkatakot sa parusa. Ang pagibig na ganap ay pumapawi ng pagkatakot.”

Ito ang pinaka-good news tungkol sa pananampalatayang Kristiyano. Dahilan kung bakit minsan nasabi ni San Pablo: “Walang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos, dahil kay Kristo Hesus na ating Panginoon.” Bukod-tanging ang pahayag na ito ang mabuting balitang makapagpapalaya sa atin sa takot, makapagpapalakas-ng-loob sa atin pag tayo’y nasisiraan ng loob, makapagpapabuti at makapagpapaganda sa ating pagkatao, makapagpapa-angat sa ating dignidad. Ito ang pag-asang dulot ng pagdurusa, kamatayan at pagkabuhay ni Kristo na ating pinaghahandaang gunitain sa panahon ng Kuwaresma.

(Homiliya para sa ika-apat na Linggo ng Kuwaresma, (Linggo ng Laetare) 10 Marso 2024, Juan 3:14-21)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here