Pagkukumpuni sa Angat Dam ipasusubasta sa Oktubre

    484
    0
    SHARE

    CALUMPIT, Bulacan—Ipasusubasta na ngayong Oktubre ang pagpapakumpuni ng Angat Dam, ayon sa mataas na opisyal ng National Power Corporation (Napocor).

    Layunin ng pagpapakumpuni sa Angat Dam na pinagkukunan ng 97 porsyento ng tubig inumin ng Kalakhang Maynila na higit na mapatatag ito bilang paghahanda sa lindol magnitude 7.2 na tinatayang ibubunga ng paggawala ng West Valley Fault Line.

    Tinataya namang matatapos ang pagkukumpuni o rehabilitasyon ng Angat Dam sa 2016.

    Ayon kay Inhinyero Romualdo Beltran, hepe ng Dams, Reservoir and Flood Forecasting Division ng Napocor, inihahanda na ang mga dokumento para sa nalalapit na pagsusubasta.

    “It will be advertised for the bidding this October,” aniya hinggil sa proseso pagsusubasta sa proyektong inaasahang magkakahalaga ng P5.7 bilyon.

    Inihayag din ni Beltran na ang disenyo ng pagkukumpuni sa dam ay nakabatay sa paunang disenyo ng Tonkin and Taylor International at ng Engineering Development Corp. of the Philippines (Edcop).

    Ang dalawang kumpanya ang nagsagawa ng anim na buwang feasibility study hinggil sa katatagan ng dam na natapos noong Abril.

    Bahagi ng pagkukumpuni ay ang pagpapatatag sa dike ng dam, bukod pa sa pagtatayo ng auxiliary spillway.

    Ayon kay Beltran, dalawa ang layunin ng pagpapatatag sa dam.

    Una ay ang paghahanda sa lindol na lilikhain ng paggalaw ng West Valley Fault Line; at ang ikalawa ay bilang paghahanda sa posibilidad ng probable maximum flood (PMF).

    “Yung auxiliary spillway ay paghahanda sa PMF,” ani Beltran.

    Ipinaliwanag niya na ang PMF ay tumutukoy sa malakas na ulan na tinatayang maghahatid ng 12,000 cubic meters per second na inflow ng tubig sa dam.

    Ayon kay Beltran, ang auxiliary spillway ay gagamitin sa pagpapatapon ng tubig kung darating ang nasabing malakas na ulan.

    Hinggil naman sa posibilidad ng lindol, sinabi ni Beltran na kakayanin ng Angat Dam ang lindol na may lakas na 7.2 magnitude.

    “They said that maximum earthquake that will be generated by the valley fault line is 7.2 magnitude, and Angat Dam can withstand that, but we are not taking chances,” ani Beltran.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here