Pagkuha ng ‘passport,’ siyam-siyam ang inaabot

    461
    0
    SHARE

    Sa mga sandaling sinusulat ko ito,
    Dapat sana’y nasa Larissa, Greece ako
    Kasama ng mga ‘great poets’ ng mundo
    Upang daluhan ang pagtitipon dito

    Ng makatang kasapi sa kapisanang
    ‘United Poets Laureate International’
    Kung saan ang inyong abang kababayan
    Ay nakadalo na ng di lamang minsan.

    Sa ‘World Congress of Poets’ na ginaganap
    Sa iba’t-ibang panig ng mundo, magbuhat
    Nang ang kapisanang ito ay itatag
    Ni Amado M. Yuzon ng Pilipinas.

    Kung saan kaanib nga sa kapisanan
    Ng mga ‘world’s poets’ ang inyong kabayan;
    At sa pagtitipong ito ay kabilang
    Sa mga makatang dadalo sana riyan.

    Pero nang dahil sa napakabagal na
    Proseseo ngayon ng pagpila’t pagkuha
    Ng pasaporte ay hayan, napurnada
    Ang biahe ko dahil sa ganyang sistema.

    Na pinatutupad ng DFA ngayon,
    Partikular na r’yan sa tanggapan nitong
    Nasabing ahensya dito sa ‘3rd Region,’
    Na masahol pa yata sa usad pagong

    Ang pagpapatakbo ng mga opisyal
    Sa pag-asikaso at pag-proseso niyan
    Ng mga papeles na kinakailangan,
    Upang mapabilis nila ang ‘issuance’

    Ng mga ‘passports’ na kailangang matapos
    ‘In a week’ lang dapat – at di itong halos
    Tatlong buwan yata riyan itong inaabot
    Bago makuha ng ‘applicant’ ang passport?

    Naturingan kasing may tinatawag na
    ‘Overtime’ umano para (bumilis ba?)
    Pero ano’t “2 months” pa rin yata kwenta
    Ang ipag-hihintay bago yan makuha?

    Gaya na lamang ng kaso nitong atin
    Na ipinasok ko noong buwan ng Abril;
    Gayong ‘renewal’ lang, pero hindi pa rin
    Makukuha ‘within 1 month’ sabi sa ‘kin.

    Eh ba’t noong araw na bago-bago lang
    Ang pagsa-Saudi at pag-‘abroad’ kung saan,
    Yan kapagka’ tinawag po nilang ‘overtime’,
    Pinakamatagal na ang ‘one week’ minsan?

    Kung kailan pa ba ‘computerized’ ang lahat,
    Saka bumaba ang ‘output’ nitong dapat
    Tapusin sa loob ng ‘twenty four hours’
    Ng taga DFA nating masisipag?

    Na aywan kung ano ang sanhi, at bakit
    Lumalaon lalo yatang tinitipid
    Ng ilan ang dating sigla nila’t bilis
    Sa pagtalima ng kaukulang ‘duties?’

    Kung kaya imbes na bumilis kumbaga
    Ang ‘deployment’ pati pagtatak ng Visa,
    Nitong nakatakda sanang bumiyahe na,
    Kadalasan bigong maka-alis sila.

    Gaya na lang nitong nangyari sa akin,
    Na di naisa-ayos ang kakailanganin;
    Ano pa nga ba ang marapat kung gawin
    Sa ‘pabaon’ na ini-abot sa atin?

    Ng ilang katoto at mga kasangga,
    Kundi isauli ang ‘pabaon’ nila?
    Upang sa gayo’y di masabi ng iba
    Na si Mr. Garcia ay “MEDIAN” din pala!

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here