(USAPANG KULTURA. Sina Bongabon Mayor Allan Gamilla (kaliwa) at Prof. Felipe De Leon, Jr., ay nag-uusap hinggil sa pagyayaman ng kultura at sining ng mga Pilipino. Kuha ni Armand M. Galang)
BONGABON, Nueva Ecija – Nagpahayag ng pangamba ang isang eksperto sa kultura na tuluyang mamatay ang pagkakakilanlan ng mga Pilipino sakaling mapabayaan ang mayamang kultura ng bansa, kabilang na ang paggamit ng mga katutubong wika at pakikipagkapwa.
Ang pahayag ay ginawa ni Prof. Felipe De Leon, Jr., dating chairman ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA), sa panayam ng media sa Buhay na Buhay Lecture na itinaguyod ng NCCA, Pamahalaang Bayan ng Bongabon at Armando Giron ng Council for History, Culture and Arts nitong Biyernes.
Dinaluhan ng mga lokal na opisyal at mga tourism offi cers ng iba’t ibang lungsod at bayan ng Nueva Ecija ang aktibidad na ginanap sa Gamilla Hall sa bayang ito.
Binigyang diin naman ni Mayor Allan Gamilla na sadyang maipagmamalaki at buhay na buhay sa kanilang bayan ang kultura ng pagkakaisa at pagtutulungan. Ang bayang ito ay tanyag bilang “onion basket” ng Pilipinas kung saan namamayagpag ang Sibuyas festival.
“Dito po kasi sa amin, katulad nga po nung mga naunang workshop, yung sharing po, yung sharing ng lahat ng lahat ng bagay na pwede po naming pagsaluhan ay buhay na buhay po talaga,” ani Gamilla.” Yung kultura ng pagiging hospitable po ay tuloy-tuloy po na ginagawa natin ditto.”
Sa kanyang panig ay nagpahayag ng kalungkutan si De leon na maging ang pagtuturo ng sariing wika ay mistulang nalimitahan na sa umiiral na sistema ng edukasyon sa bansa samantalang ang mga kabataan ay mas ninanais gumamit ng wikang banyaga.
Bagaman at mahalaga aniya na matutunan ang wikang Ingles ay hindi dapat masakripisyo ang mga katutubong wika, kabilang na ang Kapampangan.
Isang alalahanin rin aniya sa usapin ng kultura ang mistulang pagkalimot ng mga Pilipino na ang karunungan na kanilang tinataglay ay nagmula lahat sa Diyos.
“Hindi galing sa atin kundi tayo ay daluyan lamang,” pahayag ni De Leon.
Sa aktibidad ay ipinakita ni De Leon lahat ng katangi-tanging kultura ng lahat ng pangkat ng mamamayan sa Pilipinas, lalo na sa kabuhayan, pananampalataya, arkitektura, pagkain, medisina at iba pa.