Pagkaing sangkap ay malunggay at kalabasa, itinampok

    470
    0
    SHARE
    MARIVELES, Bataan – Matagumpay na ginanap kamakailan ang selebrasyon ng Nutrition Month sa isang public elementary school sa Alion, isang bulubunduking barangay sa Mariveles, Bataan, na ang tampok sa inihandang mga pagkain ay malunggay, kalabasa at carrot.

    “Ang main ingredients namin ay malunggay at kalabasa na karaniwang inaani sa aming barangay,” ani Lyn Hernandez, isa sa mga magulang na lumahok sa cook fest sa New Alion Elementary School.

    Ilan sa mga inilutong pagkain ay malunggay-kalabasa soup, bikong kalabasa, sweet and sour malunggay-kalabasa tuna burger, malunggay-kalabasa con maja, imbutidong malunggay-kalabasa, sariwang lumpia na ang wrapper ay malunggay, pizzang gawa sa kalabasa, icecream na gawa sa malunggay at kalabasa at carrot plan sa halip na letche plan.

    “Ang paaralan ay patuloy na nagpapaalaala sa mga mag-aaral na kinakailangang kumain ng masustansiyang pagkain para sa kalusugan at para hindi sila madalas lumiban dahil kailangan ng bansa ang malulusog na kabataan,” sabi ng gurong si Rochelle Hernandez.

    Aniya, dahil sa hirap ng buhay ay kailangan umanong umimbento ng mura ngunit masustansiya at masarap na pagkain tulad ng paggamit ng mga sangkap na nasa paligid lamang ng kanilang barangay.

    Nagtayo ng makukulay na booth na gawa sa dahon ng niyog sa paligid ng paaralan kung saan mabibili ang iba’t-ibang pagkain at inuming inihanda ng mga magulang. Siyang-siya naman ang mga mag-aaral pati na ang mga magulang sa ilalim ng malalaking puno ng mangga habang nagpapamalas ng galing sa pagsayaw ang ilang mga bata sa stage ng paaralan.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here