KUNG MINSAN, may mga taong ayaw kumain, hindi dahil hindi sila nagugutom o wala silang ganang kumain kundi dahil wala na silang ganang mabuhay. Ganito ang sitwasyon ng propeta sa ating unang pagbasa ngayon. Nawalan na ng ganang mabuhay si Elias. Siya na lang kasi ang natitira sa mga propeta ng Israel; ang lahat ay pinapatay na ng reynang si Jezebel na umimpluwensya sa asawa niyang hari na si Acab na talikuran ang pananampalatayang kinagisnan niya. Pagod na si Elias sa pagtatago sa disyerto. Alam niyang sa ayaw niya at sa gusto, mahuhuli din siya ng mga sundalo ng hari at bibitayin tulad ng ibang mga propeta. Sometimes, some people do not want to eat, not because they have no appetite, but because they have lost their will to live.
Narinig natin ang kuwento, maghapon na daw na naglalakbay sa disyerto ang propeta. Sumilong siya sa lilim ng isang punongkahoy at nagdasal na sana mamatay na siya. May tawag sa ganitong klase ng disposisyon sa psychology: depression—kawalan ng ganang mabuhay.
Nangyayari ang ganito kapag parang wala nang matakbuhan o masulingan ang tao. Kapag parang natatakpan na ang utak nila ng isang madilim na ulap at di na makita kung saan sila patungo. Kapag ang buhay ay parang isang bangungot o masamang panaginip at mas gusto na lang nilang matulog at di na magising. Pero tulad ng narinig natin sa kuwento, gustuhin man niyang mamatay, parang wala din siyang lakas ng loob na tapusin ang sariling buhay kaya nagdadasal siya na kunin na lang siya ni Lord. Kaya sabi niya: “Bawiin mo na lang ang buhay ko, Panginoon.”
Nahiga daw siya at nakatulog. Sa totoo lang, magandang palatandaan ang mahimbing na tulog. Ang mga nadi-depress, kadalasan ay hindi nga makatulog. Pero ginising daw siya ng anghel at sinabihan na kumain, at kumain naman siya at natulog na muli. Gayunpaman, hindi raw siya iniwan ng anghel, hinayaan siyang matulog pero ginising din siyang muli para ipagpatuloy ang kanyang paglalakbay sa bundok. May alam ako na dumanas nang ganyang sitwasyon at meron din daw mga anghel na umalalay sa kanila; wala nga lang pakpak. Mga sugo ng Diyos na nagpapalakas ng loob sa atin para magpatuloy.
Doon, nang nasa bundok na siya, sa loob ng kuweba, doon pa lang natanggap ni Elias ang tunay na pagkain na pinaka-kailangan niya: ang ganang mabuhay. Tinatakasan niya ang mga bagyo, lindol at apoy na dumadaan sa buhay niya; pero isang munting tinig ang gumising sa kalooban niya at nagpalakas sa kanya para lumabas at humarap sa mga pagsubok ng buhay. Isang tinig na may tanong: “Ba’t narito ka? Elias?” Tayo rin, minsan kailangan nating balikan ang dahilan kung bakit narito tayo sa mundong ibabaw—balikan ang layunin. Ito lang ang makapagpapabalik sa ating ganang mabuhay.
Ewan ko kung ilan sa inyo rito ang nakaranas na ng pinagdaaanan ni Elias—sitwasyon ng pagkasira ng loob, pagkaturete, pagkawala ng direksyon dahil sa tindi ng mga pagsubok na hinaharap—maaaring nawalan ng trabaho, dumanas ng hidwaan sa pamilya, o ng pagkamatay ng mga mahal sa buhay, atbp. Sa Tagalog, HANAPBUHAY ang tawag natin sa trabaho. Malinaw sa atin: kahit alam nating kailangan natin ng pera, hindi lang pera ang hinahanap natin, kundi BUHAY. Makahulugang buhay. Ang dami nating ginagawa nang kusang-loob kahit walang bayad, di ba? Sa Ingles, ang tawag sa mga naghahanapbuhay at sumusustento sa pamilya ay BREADWINNERS. Akmang-akma sa ebanghelyo natin ngayon tungkol sa BREAD OF LIFE. Matalinghagang magsalita si Hesus, kaya hindi siya maintindihan ng iba.
Doon sa ibang kuwento tungkol sa babaeng Samaritana,sa Juan 4, si Hesus ang nauuhaw, pero siya raw ang nagbigay ng “buhay na tubig” na hinahanap ng babae. At doon sa kuwento, umalis ang mga alagad para bumili ng pagkain. Nang bumalik sila at inaalukan siyang kumain, sinabi niya busog pa siya. Kaya nagtaka sila kung meron na bang nagpakain sa kanya, pero sinabi niya, “Magawa ko lang ang kalooban ng nagsugo sa akin, busog na busog na ako.”
Di ba ganyan ang mga nanay pag alam nilang bitin ang pagkain? Pinauuna ang mga anak at sinasabing busog pa siya? At pag naubos ang pagkain sinisimot niya ang natira at sinasabing favorite kasi niya ang mga ulo at buntot ng isda, at nasasarapan siya sa tutong. Totoong nakakabusog ang kumain, pero mas nakakabusog ang magpakain. Ito ang tinutukoy ni Hesus na matalinghagang pagkain sa ating ebanghelyo, ang tinatawag niyang Pagkain ng Buhay. Kaya siguro “hulog ng langit” ang tawag natin sa mga taong naghahatid ng grasya sa buhay natin sa tamang panahon. Dumarating sa mismong sandali ng pangangailangan, walang hinihintay na kabayaran o kapalit sa ibinibigay. Walang ibang hangad na ligaya kundi ang makitang maligaya ang binibigyan. Ganyan ang Diyos na pinakilala ni Hesus.”
Hindi ito maiiintindihan ng taong wala pang alam busugin kundi sariling tiyan, mga taong may kinakain na nga umaangal pa o naghahanap pa ng ibang ulam. Nagbabago lang iyan kapag ang anak na pinakain ay naging magulang at nagkaroon ng sariling anak na pakakainin. Pag nakita mo na kung gaano kahirap maghanapbuhay at magpakain, saka mo malalaman na ang pinakain pala sa iyo ay hindi pinulot lang sa kalsada. Pinaghirapan, pinagbuhusan ng pawis at luha. Ang tunay na ibinibigay ng nagmamahal sa kanyang minamahal ay sariling buhay niya—katawan at dugo niya. Iyon ang Tinapay ng Buhay; iyon ang Eukaristiya.
Kasabihan natin sa Pilipino—madali ang maging tao, ngunit mahirap magpakatao. Hindi kasi madaling hanapin ang tunay na makapagbibigay ng kahulugan at layunin sa buhay bilang ganap na tao. Walang mas sasarap na pagkain kaysa doon sa kinayod at pinaghirapan nang buong sipag, tiyaga at malasakit sa minamahal. Mas masustansyang di hamak ang pagkain ang pinagpaguran ng nagmamahal, na inilaan ang sarili hanggang kamatayan sa ikabubuhay ng minamahal.
Parang eskwelahan pala ang tahanan—eskwelahan ng pagpapakatao, ng pagsasanay sa paghahanap ng buhay at pagsasabuhay nito na parang tinapay na hindi ipinagdamot, laang mabiyak o mahati para makain at maubos. Sabi ni San Pablo sa ikalawang pagbasa, “Mamuhay kayo nang may pag-ibig sa kapwa tulad ng pag-ibig sa atin ni Kristo. Inialay niya ang sarili niya para sa atin bilang mabangong handog sa Diyos.”
Ito ang kinakain natin sa Misa: Imbes na tingnan ang tinapay at alak na nagiging si Kristo sa kumpas ng isang basbas, ba’t di natin baligtarin? Makita kay Kristo ang Diyos na nagpapakumbaba, bumababa upang maging tinapay at alak, ang Diyos na ang ipinapakain ay walang iba kundi sariling katawan at dugo. At ang sinumang kumain sa kanya ay matutulad sa kanya—natututo rin na maging bigay-todo. Di ba ganito ang sinasabi ng kinakanta natin sa Misa? “Nang tanggapin ko si Hesus aking Diyos, nagbago ang lahat sa buhay ko… Bagong ligaya ang nadarama, bagong pag-asa ang nakikita. Lahat, lahat ay aking ibibigay, ibibigay pati aking buhay upang purihin siya.”
(Homily for the 19th Sunday in Ordinary Time, 11 August 2024, John 6:41-51)