LUNGSOD NG CABANATUAN – Pinasimulan na ng Department of Public Works and Highways ang imbestigasyon sa mga pagkasira ng mga istruktura sa nakalipas na bagyong Karding sa isang pampublikong paaralan sa Barangay Malimba, Gapan City.
Ayon kay Engr. Elpidio Trinidad, hepe ng Nueva Ecija 2nd District Engineering Office, nagpadala ng mga kawani ang kanilang regional office sa Malimba Elementary School kasunod ng kahilingan ni Sen. Robin Padilla para sa isang imbestigasyon higgil sa sinapit ng paaralan.
Sa pagdinig ng Senado sa panukalang 2023 budget ng DPWH ay ipinunto ni Padilla na posibleng substandard ang mga ginamit na materyales sa konstruksyon ng dalawang palapad na silid-aralan at dalawang covered court na “nagkagutay-gutay” gayong ang mga karaniwang bahay sa paligid ng paaralan ay hindi naapektuhan.
Sa naturang pagdinig ay ipinakita ni Padilla ang mga larawan ng nasirang istruktura.
“Napaka-hindi po ako nakatulog sa larawan na ito […] ito po ay nangyari no’ng nakaraang bagyo sa Nueva Ecija, ito po ay isang paaralan doon, tignan niyo po nang mabuti, nagkagutay-gutay po ‘yong paaralan,” saad ng senador
Sumang-ayon naman si DPWH Secretary Manuel Bonoan sa panawagang imbestigasyon.
“Kailangan po kung ganito ang nangyari dito sa lugar na ito, kailangan lang po maimbestiga ito kung ano ba ang nangyari dito, kasi kataka-taka naman po talaga na nag-iisa naman po ‘yong nasira — well if it is a school building o kaya gymnasium po ito, ay patignan po natin,” sagot ni Bonoan.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, sabi ni Trinidad, ang bubong ng gusali ang nawasak samantalang ang dalawang multi-purpose covered court ay “totally collapsed.”
Ang gusali ay itinayo ng ahensiya noong 2018 samantalang ang magkadikit na covered courts ay “LGU-funded” na ginawa noong 2010 at 2011, ayon sa kanya.
Nasiraan din umano ng bubong ang iba pang gusali na mas matanda kaysa sa mga ito.
Samantalang ang inisyal na pagtaya ay nagpapakita ang ang insidente ay force majeure, naniniwala ang DPWH na mahalaga ang mas malalim na imbestigasyon upang malaman kung ano ang tunay na sanhi ng pagkasira.