Itong sinasabi ng ating 3rd District
Congressman na aniya ay ‘dirty politics’
Ang sa ngayon ay lantarang ginagamit
Ng kanyang ‘detractors’ sa ‘reelection bid’
Nito sa ‘opponent niyang si Rodriguez
Yan sa ganang aking sariling opinion
Ay baka dala lang ng maling impresyon
At pagkakilala ng butihing Solon
Sa kung anong bagay na marapat nitong
Bigyang pansin at isa-isip sa ngayon
Kung tama ang kanyang ginawang pagtalon
Sa bangka ng iba nang biglang saklutin
Ng dambuhala at malakas na hangin
Ang bangka ng dating Pangulo pa mandin
Na nagmalasakit kay Dong, at ang turing
Sa Kinatawan ay higit pa marahil
Sa tunay na anak ang naging pagtingin.
Pero ano’t sa kabila nga ng lahat,
Si Madam ay kanyang iniwan at sukat
Sa gitna ng dusa’t mga paghihirap
Dala ng aywan kung siya ay nanginlag
Na makasuhan din o sadyang siya’y duwag
Para harapin ang posibleng ‘circumstance’?
Ng pagiging lubhang malapit kumbaga
Ni Gonzales noon kay Pangulong Gloria?
At ang masangkot sa anumang problema
Ang iniwasan ng ating Kongresista,
Kung kaya di baleng siya’y matawag na
Isang ‘virtual traitor’ malulunok niya?
Bilang Kapampangan, lubhang mahalaga
Ang pagiging tapat sa pakikisama;
At di kung kailan lang may tinatamasa
Tayong materyal na bagay sa kanila
Ay saka lang natin gustong makasama
At tanggap pa manding tunay na kasangga
Yan sa lahat na ng grabeng pagkukulang
Ng sino pa manding ating ‘public servant’
Ang higit sa lahat ay dapat iwasan
Upang ang pagiging balimbing sa ngalan
Ng pulitika’y di maging kapintasan
Sa kanila habang sila’y nabubuhay.
At di maging hadlang sa araw ng bukas
Sa kung anong bagay na pinapangarap
Na marating, pagkat ang pagiging tapat
Sa kapwa, lalo na sa nagbigay lingap
Upang ang tagumpay ay ating malasap,
Ang unang marapat isa-puso dapat.
Di ko ninanais sabihing si Cong Dong
Ay kabilang nitong mga di marunong
Tumanaw ng utang-na-loob sa puntong
Iniwan at sukat ang ating Pangulong
Gloria Arroyo nang manganib makulong
Sa kung anong isyu na ipinupukol
Pero sana naman ay di itinaon
Ang sa ibang kampo bigla n’yang pagtalon
Kung kailan si Mam ay nagkasakit noon;
At kung saan aywan nga lang kung dinalaw
Siya ng Congressman nang panahong iyon
Sa ospital, sanhi ng kung anong rason?
Humigit-kumulang, sa puntong naturan
At nagdudumilat na katotohanang
Si Oca ang higit na may katangian
Ng isang marapat na maging Congressman,
Liban sa pagiging mapuri’t marangal,
Pihong si Rodriguez ang mangingibabaw
Laban kay Gonzales sa Mayo atrese
Kundi man posibleng lumamang ng doble
Si Oca sa bilang ng mga botante
Na papabor sa kanyang paghabol bale
Bilang Kinatawan – sanhi na rin syempre
Ng pagiging tapat… at mahusay pati!