KAWALAN NG silbi’t pagiging inutil
ng pamahalaan at ng DA na rin
itong malinaw na nakikita natin
kung bakit sumirit ang presyo pa mandin
Nitong pangunahing butil na kailangan
ng sinuman para siya makapamuhay
ng normal sa taglay nitong bitaminang
sangkap ng natural na pangangatawan.
Kung ani Kalihim Proceso Alcala
nitong Kagawaran ng Agrikultura,
Na may sapat tayong bigas sa tuwina,
ano’t tumaas nga ang dating halaga?
Maliban na lamang kung ito ay hawak
na ngayon ng mga tusong magbibigas,
Kung saan ito ay basta ini-imbak
sa bodega kapag may krisis sa bigas
At inilalabas ng paunti-unti
para maibenta nang napakadali
sa halagang gusto n’yan saka-sakali
ang tao’y wala nang matakbuhan uli
Para makabili r’yan ng mura-mura
o kahit marahl ito’y dumoble pa,
Pagkat ang bigas ay kailangan talaga
ng sinumang tao para mabuhay siya.
(Liban na lang sa taga ibang bansa,
na gaya ng Kano’t Arab halimbawa;
Yan patatas lamang at shawerma yata,
mamumuhay na ng normal at payapa.)
Alam naming tayo’y may sapat na bigas
pagkat di lingid sa mata nitong lahat,
Na di lamang libong sakong NFA Rice
ang sa bodega n’yan laging nakaimbak
Kaya lang aywan kung ga’no katotoo
ang tsismis na yan ay patago umano
na ipinupuslit ang bentahan nito
sa mga ‘rice millers’ sa ‘wholesale’ na presyo.
At ito naman ding naturang ‘rice miller,’
ginigiling uli ang bigas NFA
bago ipagbili sa mga ‘rice trader’
upang maging fi rst class sa mata ng buyer.
At iba na syempre ang presyo kapagka
nahawakan na ng mga manininda,
Partikular na ng mga kartelista
ng bigas at ibang mga produkto pa.
Na aywan kung bakit ang ating gobyerno
ay di n’yan makayang supilin ng husto
at mailagay sa kalakarang wasto
ang dapat tutukan ng opisyal mismo
Nitong alin pa mang ahensya po yata
na katuwang nito sa pamamahala;
gaya nga po nitong DA halimbawa,
na ngayon sa isyung yan ay nakataya.
Sa puntong ito ay mas makabubuting
si Sec Alcala na ang direkta nating
tanungin o kaya ating komprontahin
hinggil sa isyu ng bigas dito sa’tin.
Kung tayo’y may sapat na pondo ng bigas
ano’t ang presyo n’yan ay biglang tumaas?
At kung ang commercial rice ay hindi sapat,
bakit ang NFA ay hindi ilabas?
(Kaysa mabulok lang sa pagkakaimbak
Sa ilang bodega ang di pa nasikwat!)