Patuloy sa pagpapakawala ng tubig ang Bustos Dam bilang preemptive measure sa posibleng malalakas na pag-ulan na dala ng bagyong Ulysses. Kuha ni Rommel Ramos
BUSTOS, Bulacan — Nagbawas na ng reserbang tubig ang pamunuan ng Bustos Dam bilang paghahanda sa ulan na dala ng bagyong Ulysses.
Tatlong sluice gate ang binuksan at nagpakawala ng 64cms ang pamunuan ng nasabing dam.
Ayon kay Francis Clara, water control coordinator, ito ay preemptive release para makayanan ng dam ang paparating na tubig na dala ng bagyo.
Aniya, magmumula sa 23,000-ektarya na watershed area ng Bustos Dam ang inaasahang paparating na tubig bukod pa sa inflow na magmumula naman sa Bayabas River.
Ang Bustos Dam din ang sasalo ng tubig sakaling magpapakawala ng tubig ang Angat Dam at Ipo Dam kaya’t nagsagawa na sila ng gradual release para makayanan ito ng Bustos Dam at hindi makaapekto sa mga low–lying areas ng Calumpit at Hagonoy.
Sa ngayon ay nasa 15 meters na level na ang tubig sa Bustos Dam at nakabukas pa rin ang sluice gate nito at ang spilling level ng Bustos Dam ay 17.35 meters.
Samantala batay sa tala ng PDRRMO alas-2 ngayong hapon, ang water level sa Angat Dam ay 205.67 meters at ang spilling level nito ay 212 meters.
Habang lagpas na sa 101 meters spilling level ang Ipo Dam na nasa 101.24 meters.