PAGHAHANDA SA AUTOMATED POLLS
    Pagsasanay sa voters education sisimulan sa Enero

    586
    0
    SHARE
    MALOLOS—Sisimulan na sa ikalawang linggo ng Enero ang pagsasanay ng mga kasapi ng Bulacan Citizen Action for Reform through Voters Education (BCARVED) bilang paghahanda sa makasaysayang 2010 automated elections.

    Kaugnay nito, ikinagalak ng mga Bulakenyong dumalo sa paglulunsad ng BCARVED noong Disyembre 9 ang demonstrasyon ng Commission on Elections (Comelec) sa paggamit ng makinang Precinct Count Optical Scanner (PCOS) na gagamitin sa pagbilang ng mga boto sa darating na halalan.

    Ayon kay Lenny Villanueva ng Salika Fooundation, isa sa mga kasapi ng BCARVED, inihahanda na nila ang programa para sa pagsasanay ng mga Bulakenyong magboboluntaryong sumama sa BCARVED upang maging bahagi ng adbokasiya nito hinggil sa voters education.

    “Pinag-usapan na namin ni Atty. Mejarito ang pagsasagawa ng dalawa hanggang tatlong araw na workshop para sa mga kasapi ng BCARVED,” ani Villanueva patungkol kay Abogado Sabino Mejarito, ang provincial election supervisor ng Bulacan na kanyang nakausap noong  Disyembre 14.

    Isa sa mga planong inihanda ng BCARVED sa pakikipatulungan ng Comelec ay ang pagbuo ng speakers bureau o mga taong magsisilbing tagapagsalita at tagapagpaliwanag ng mga proseso ng automated elections sa bawat barangay at bawat bayan sa lalawigan.

    Para sa Comelec, ang pagpapaliwanag sa mga tao ng mga proseso sa darating na automated elections ay krusyal sa ikatatagumpay ng halalan.

    Sa mas naunang pahayag ni Mejarito, sinabi niya na kailangang magabayan ang mga botante kung ano ang kanilang gagawin sa darating na halalan.

    Bukod sa pagpapaliwanag sa mga proseso ng halalan, sinabi ni Mejarito na kailangan mapataas ang antas ng moralidad ng mga botante upang sila mismo ang magbantay sa halalan at iwaksi ang mga oportunidad ng mga pandaraya katulad ng pamimili ng boto.

    Hinggil naman sa BCARVED, binigyang diin ni Mejarito na hindi ito magpapagamit sa sinumang pulitiko, sa halip ay mananatiling walang pinapanigan ang grupo at nakatutok sa mga proseso ng halalan.

    Ang BCARVED aya ng kauna-unahang volunteer group na inorganisa sa bansa para sa darating na halalan na ang layunin ay mapataas ang antas ng kaalalaman ng mga botante para sa matagumpay na halalan.

    Ito ay magsisilbing support group ng Comelec sa Bulacan.

    Samantala, sinabi rin ni Villanueva na ikinagalak ng may 2,000 lumahok sa paglulunsad ng BCARVED ang demonstrasyon ng Comelec sa paggamit ng makinang PCOS noong Disyembre 9.

    Sinabi niya sa Punto na marami sa mga dumalo ang nagnanais na mag-organisa ng pagtitipon sa kanilang mga bayan upang doon ay makapagsagawa rin ng demostrasyon kung paano gamitin ang PCOS.

    “It’s getting very exciting, pero kailangan iplano lahat at kailangan ng higit na maraming volunteers para may mga maipadala tayong mga tagapagsalita at tagapagpaliwanag sa mga botante sa ibat-ibang bayan,” ani Villanueva.

    Iginiit niya na ito rin ang layunin ng isasagawang pagsasanay sa mga kasapi ng BCARVED sa ikalawang linggo ng Enero.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here