Home Headlines Paghabol sa operator ng illegal quarrying sa Bulacan, pinaigting ng Kapitolyo

Paghabol sa operator ng illegal quarrying sa Bulacan, pinaigting ng Kapitolyo

664
0
SHARE
Nagsagawa ng inspeksiyon si Gobernador Daniel Fernando sa nasa limang ektaryang lupa sa barangay Camangyanan sa Santa Maria, Bulacan na iligal na pinagmiminahan ng batong Scombro. Bahagi ito ng mas pinaigting na kampanya ng Kapitolyo upang habulin ang lahat ng uri ng iligal na quarrying at mining. (Shane F. Velasco/PIA 3)

SANTA MARIA, Bulacan (PIA) — Tinututukan ng pamahalaang panlalawigan ang paghabol sa mga iligal na operator ng quarrying sa Bulacan.

Ito ay habang suspendido ang lahat ng uri ng pag-quarry at pagmimina sa buong probinsya.

Ayon kay Bulacan Environment and Natural Resources Office o BENRO Chief Juvic Degala, pinakabago sa mga nasabat ang iligal na operasyon ng paghuhukay ng mga batong Scombro o Bulik sa barangay Camangyanan sa bayan ng Santa Maria.

Isa itong high-end na mga bato na nakadeposito sa naturang lugar sa mahabang panahon.

Nabuo aniya ang mga batong Scombro mula sa mga lava na ipinutok ng mga bulkan noong pre-historic period, kung saan ang katauhan ay umaasa sa mga inukit na mga bato para sa kanilang mga pangunahing pangangailangan.

Nagsagawa ng inspeksiyon si Gobernador Daniel Fernando sa nasa limang ektaryang lupa sa barangay Camangyanan sa Santa Maria, Bulacan na iligal na pinagmiminahan ng batong Scombro. Bahagi ito ng mas pinaigting na kampanya ng Kapitolyo upang habulin ang lahat ng uri ng iligal na quarrying at mining. (Shane F. Velasco/PIA 3)

Natuklasan ng BENRO na iligal na namimina ito sa Santa Maria sa nakalipas na 30 taon.

Ikinubli ito sa pamamagitan ng kunwaring palaisdaan at bukirin kung saan inilulubog at ibinabaon sa ilalim ang nasabing bato.

May laking limang ektarya ang inisyal na nadiskubre na pinagmiminahan nito na naglalaman ng nasa 29,625 metro kubiko na mga batong Scombro.

Sa inisyal na pagtataya ng BENRO, aabot sa 20 milyong piso ang halaga ng mga minang ito habang nasa limang milyong piso kada metro kubiko ang potensyal na dapat ay nakokolektang buwis ng Kapitolyo kung ligal ang pagmimina.

Karaniwang ginagamit ang mga batong Scombro sa mga landscaping ng mga hardin at ito rin ang mga materyales na ginagamit sa mga restorasyon ng mga matatandang istrakturang ipinagawa pa noong panahon ng mga Kastila.

Nasa limang indibidwal na sinasabing mga may-ari ang inaresto at kasalukuyang nasa kustodiya ng Criminal Investigation and Detection Group ng kapulisan.

Pormal na ring nagsampa ng kaso sa piskalya ang BENRO laban sa nasabing mga gumawa ng iligal na pagmimina.

Kaugnay nito, ipinag-utos ni Gobernador Daniel Fernando na habulin din ang mga dating namumuno sa pamahalaang barangay at pamahalaang bayan upang pagpaliwanagin kung bakit tumagal ng 30 taon ang iligal na operasyon.

Pinapaimbestigahan din niya kung direktang nasangkot ang mga opisyal dito at nangakong sasampahan ng kaso ang dapat makasuhan.

Ang 20 milyong piso na halaga ng mga nasabat na Scombro ay dumagdag sa nasa 30 milyong piso na halaga ng iba’t ibang mga mineral at bato na naunang nakumpiska ng BENRO mula sa noong Enero 2022, kung kailan naglunsad ng mas pinaigting na kampanya laban sa mga illegal quarrying at mining.

Tiniyak din niya na ang operasyon ng Kapitolyo ay kinakatigan ng Republic Act 7942 o Philippine Mining Act of 1995, Kapasiyahang Panlalawigan C-005 o ang Revised Provincial Environmental Code of 2011 at ng Executive Order 21 ni Fernando.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here