LUNGSOD NG MALOLOS — Pormal nang binuksan ang pagdiriwang ng Ika-50 Ginintuang Taong Anibersaryo ng Hiyas ng Bulacan Cultural Center.
Pinamagatan na “Ako ang Hiyas ng Bulacan Cultural Center”, ang virtual na paglulunsad na isinagawa ng Provincial History, Arts & Culture and Tourism Office o PHACTO.
Itinampok dito ang kasaysayan ng nasabing cultural center partikular na ang mga detalye ng arkitektura nito.
Ayon kay PHACTO Head Eliseo Dela Cruz, itinayo ang istraktura sa loob ng 22 na ektaryang Antonio Bautista Provincial Capitol Compound sa lungsod ng Malolos.
Pinasinayaan ito noong Agosto 30, 1971 sa okasyon ng noo’y Ika-121 Taong Anibersaryo ng Kapanganakan ni Marcelo H. Del Pilar.
Ang dalawang palapag na Hiyas ng Bulacan Cultural Center ay may katangian na isang Brutalist na uri ng arkitektura. Dinisenyo ito ni Dominador Jimenez at ipinatupad ni Leonides Manahan.
Ang nasabing arkitektura ay binubuo ng tatlong pangunahing detalye. Una ang 25 long opening na may exposed beams.
Makikita rito ang mga bintanang pahaba na may nakalitaw na mga biga.
Gawa sa adobe ang bare materials o ang ginamit sa ilalim na nagpalitaw na parang may nakalutang na kudrado sa itaas.
Pangalawa, ang siyam na exposed columns nna bumubuhat sa mga masang konkreto at salamin na matatagpuan sa harapan ng cultural center.
At ikatlo, ang pinakalantad na façade kung saan tampok ang pader na may hugis hexagonal.
Itinindig din sa harapan ng Hiyas ng Bulacan Cultural Center ang iskultura ng Inang Bayan, na base sa disenyo ni Roen Capule na kasapi ng Bahaghari Art Group, bantayog ito na sumisimbulo sa bayanihan para sa sining at kultura.
Anim na mga pangunahing silid ang matatagpuan sa Hiyas ng Bulacan Cultural Center. Nagsisilbing main lobby nito ang Exhibition Hall na ipinangalan sa Pambansang Alagad ng Sining sa Iskultura na si Guillermo Tolentino na isang taga-Malolos.
Kahilera nito ang Hiyas ng Bulacan Museum na nagtatampok sa mayamang sining, kalinangan at kasaysayan ng Bulacan. Katabi nito ang Panlalawigang Aklatan na naglalaman ng mga bibihirang kopya ng mga reperensiya tungkol sa Filipiniana o Kasaysayan ng Pilipinas.
Nandito rin ang tanggapan ng PHACTO at ang Bulacan Tourism Information Center.
Sa ikalawang palapag matatagpuan ang auditorium na nakapangalan sa karangalan ni Nicanor Abelardo, isang sikat na kompositor ng Kundiman na taga San Miguel.
Kaugnay, ibinabalangkas naman ng PHACTO ang iba’t ibang mga gawain, proyekto at programa para sa isang buong taong pagdiriwang ng ginintuang taong anibersaryo na tatagal hanggang Agosto 30, 2022. (CLJD/SFV-PIA 3)