Pagdinig sa pagpapasara ng oil storage nauwi sa gulo

    227
    0
    SHARE
    MARILAO, Bulacan — Nauwi sa gulo ang isinagawang public hearing ng pamahalaang barangay ng Sta. Rosa 1 dito sa pagpapasara ng nasunog na RMS oil storage and refinery na nagdala ng takot sa mga residente.

    Sa gitna ng pagdinig na ginagawa ng baranggay ay bigla na lamang nagsipaglabas ng placard ang mga empleyado ng RMS na tutol sa pagsasara at nagmistulang nagwelga na nagresulta ng gulo kaya’t pinigilan sila ng mga baranggay tanod.

    Nagkaroon ng komosyon sa pagitan ng mga nagsipaglabas ng placard na pabor at tutol sa usapin ng RMS habang nagkanya-kanya namang takbuhan ang ibang mga tao.

    Isang tanod din ang nakikipagbanatan sa isa sa grupong tutol na ipasara ang pabrika. Tumagal ng ilang minuto ang komusyon bago ito napayapa.

    Matapos ang komosyon ay nahawi lahat ng mga monoblock chairs na naging bakas ng kaguluhan.

    Dalawa ang bahagyang nasaktan habang dinampot ng mga tanod ang mga nagsipanggulo.

    Hindi naman na natapos ang pagdinig.

    Ayon kay chairman Valentino “Val” delos Reyes ng Sta. Rosa 1, nagsagawa siya ng public consultation upang maipahayag ang damdamin ng mga residente hinggil sa hiling na maipasara ang imbakan ng langis.

    Nagkakaisang ipinahayag ng mga residente at mga namumuno sa barangay na malaking perwisyo ang imbakan ng langis dahil sa nakakasulukasok na amoy na nagmumula dito.

    Bukod sa amoy, malaking panganib din aniya ang mga langis na nakaimbak dahil kapag lumaki ang sunog o magkaroon ng pagsabog ay libo-libo ang maaapektuhan.

    Inirereklamo din ang mga batang nagkakasakit dulot ng usok na sanhi umano ng pagkakaroon ng pulmonya, ubo, hika at sipon.

    Tinukoy naman ni Delos Reyes na dapat ng maipasara ang nasabing planta dahil sa perwisyong dulot sa mga residente sa barangay.

    Nanawagan sila kay Pangulong Duterte at Gina Lopez na permanente ng maipasara ang imbakan.

    Pansamantalang namang ipinasara ng pamahalaang lokal ang imbakan ng mga langis habang iniimbestigahan pa ng mga otoridad ang nangyaring sunog.

    Tutol sa pagsasara ng imbakan ng langis ang mga empleyado ng RMS dahil sa trabahong ibinibigay nito sa kanila bukod pa daw sa scholarship ng kanilang mga anak.

    Kapag ipapasara daw ito ay mawawalan sila ng hanapbuhay at maapektuhan ang pag-aaral ng kanilang mga anak.

    Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang may-ari ng RMS.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here