NGAYONG ang lahat ng uri ng paglabag
sa umiiral na panuntunang batas
ng ating mahal na bansang Pilipinas
ay patuloy pa rin ito sa pagtaas;
Na kagaya rin ng kung ating tawagin
sa salitang hiram ay ‘money laundering’
at iba pa r’yang illegal na gawain
ng ilang opisyal sa gobyerno natin;
Liban sa sila ang pasimuno minsan
sa paggawa r’yan ng katarantaduhan,
sila itong dapat unang masampolan
sa pagbuhay muli sa parusang bitay.
Dahilan na rin sa sila ang kapural
at nomiro unong pinaka-garapal
kapagka ang bagay na pag-uusapan
ay paggawa r’yan ng bagay na illegal.
Partikular na riyan sa Bureau of Custom
kung saan nariyan ang maraming gutom
na buwaya, saka mga mandarambong
na nasanay na sa gawang pangongotong.
Sanhi na rin nitong nariyan ang lahat
ng posibleng pagkakitaan ng limpak
na salaping katas nitong ‘illegal drugs’
at iba pang bagay na labag sa batas.
Tulad nang gaano man diyan kahigpit
ang ‘checker,’ nang dahil sa isinisingit
na pabarya-baryang tatlong magkadikit
na larawan, tikom na’ng kanilang bibig.
Kaya nga’t marahil sinumang ipuesto
sa Custom ng ating mahal na Pangulo,
na kagaya ni Lapenia at Isidro,
ya’y natural na sabit din sa kaso.
Gawa na rin nitong matindi talaga
ang lagayan, at kung saan itong droga
at iba pang kontrabando sa Aduana
ang ‘source’ ng bilyones yata nilang kita?
Di bale sana kung di nakasisira
sa utak ng tao ang sa ating bansa
ipinapasok ng mga walanghiya,
tayo’y walang dapat na ikabahala.
Kaso, itong gamot na ipinagbabawal
na walang dulot na mabubuting bagay,
partikular sa’ting mga kabataan,
anong kagandahang ating maasahan?
Kundi pati na rin sa’ting komunidad
at sa kanila na pag-asa ng bukas,
ani Dr. Rizal – ang higit sa lahat
amg maliligaw ng tatahaking landas.
Na hayan, ang dami na nga ng nalulong
sa droga, at kung yan ay magpapatuloy,
at tuluyang hindi na natin makontrol,
ang kabataan ay saan na hahantong?
Di pa lubos huli upang ang iligal
na droga ay ating ganap masugpo yan,
at ang tanging lunas – ang parusang bitay
ibalik, buhayin, muling ipa-iral.
Nang sa gayon itong sa’tin nagtutulak
ng shabu at iba pa riyang illegal drugs,
bawat matiklo r’yan ay bitayin agad
upang sila’y di pamarisan ng lahat!