Ngunit sa pagmamadaling masolusyunan ang nasabing basurahan ay nagbunga ng ilang pagkakamali.
Ang nasabing basurahan ay mahigit dalawang taon ng inirereklamo ng Bulacan State University (BulSU) ng makunan ng mga larawan at video ng Punto noong Hulyo 26.
Ayon kay dating Bokal Vicente Cruz, kung hindi nabulgar ang nasabing dumpsite ay hindi pa ma-sosolusyunan dahil sa mahigit dalawang taon na ang operasyon noon.
Si Cruz ay isa sa mga consultant o tagapayo ni Gob. Wilhelmino Alvarado.
Ayon kay Cruz, ang pagkakabulgar ng operasyon sa basurahan ng BMC ay isang palantandaan na kailangan ang pakikilahok ng mamamayan at ng iba pang organisasyon sa pamamahala.
Sinabi pa niya na nakikipag-ugnayan na ang kapitolyo sa SafeWaste Inc., isang pribadong kumpaya na binigyan ng akreditasyon ng Environmental Management Bureau (EMB) para humakot at magtapon ng mga hospital wastes.
Kaugnay nito, si Cruz ang itinuro ng mga opisyal ng Lungsod ng Malolos na nakipag-ugnayan sa kanila sa pagtatapon ng basura sa Material Recovery Facility (MRF) ng lungsod ilang araw matapos mabulgar ang operasyon ng basurahan ng BMC.
Inamin naman ito ni Cruz na minsan ay nagsilbi ring bise alkalde ng lungsod bago nahalal na Bokal noong 2007 ngunit natalo nitong Mayo.
Gayunpaman, pinabulaanan niya sa isang panayam sa telepono na mga hospital waste o basura ng ospital ang kanilang itinapon sa MRF ng Malolos.
Ngunit batay sa ulat ng City Environment and Natural Resources Office (CENRO) ng Malolos, tatlong beses na nagtangkang magtapon ng basura ang kapitolyo sa kanilang MRF.
Noong una at pangalawa ay pinayagan ito, ngunit sa ikatlo ay hinarang na dahil natuklasang ang unang dalawang truck ng basurang itinapon doon ay may mga kasamang hospital waste.
Dahil dito, ibinalik ng Malolos MRF sa kapitolyo ang basurang itinapon sa kanilang MRF.
“Pumayag kami noong una kasi ay nakausap na raw ni Bokal Centi (Cruz) si Cenro Mayin (Bernardo), pero huli na ng makita naming hospital waste ang ibinuhos ng kanilang dump truck,” ani Bessie Fernandez, isa sa mga nagbabantay sa MRF ng Malolos.
Sinabi naman ni Bernardo na bukod sa tumawag sa kanya si Cruz at nagtungo sa pa sa kanyang tanggapan ang anak nitong si Vince na siyang kapitan ng Barangay Canalate, kaya’t sa buong akala niya ay basura ng Barangay Canalate ang itatapon.
Batay sa kanyang ulat na isinumite sa Cenro, sinabi ni Fernandez na ang basura sa unang truck na nagtapon sa MRF ay nasa ilalim at natatabunan ng buhangin, at ang ibabaw ay mga putol na sanga ng kahoy.
Ang ikalawang pagtatapon ay hindi nila napigilan, ngunit ayon sa ulat ng CENRO, kalahating dumptruck lamang daw iyon, ngunit pawang hospital waste.
“Kaya nung ikatlo, hinarang na sila at yung ikalawang delivery ay ibinalik namin sa kanila,” ani Bernardo.
Tinangka pang itanggi ng mga opisyal ng kapitolyo at BMC na hospital waste ang kanilang itinapon.