LUNGSOD NG BALANGA — Ibinalita ni Gov. Albert Garcia ngayong Martes na matapos ang mahigit walong buwan ay pinapayagan na ang pagbubukas ng mga hotel, resort at iba pang kaparehong establisimiyento sa Bataan.
Ito, aniya, ang nilalaman ng pinakabagong resolusyon ng provincial inter-agency task force na siya, bilang governor, ang chairman.
“Pinapayagan na ang pagbubukas ng mga ito at pagtanggap ng mga turista galing sa loob at labas ng Bataan ngunit batay sa itinakdang mga guidelines at protocol,” sabi ni Garcia.
Ang mga taga-Bataan ay kinakailangang magpakita ng valid identification card, medical certificate mula sa rural health unit at travel pass kung saan nakatira.
Para sa mga hindi taga-Bataan, karagdagang requirement ang reservation voucher sa hotel o resort na pupuntahan, QR Code upang makapasok sa border at RT-PCR test kung mananatili sa Bataan ng isang gabi o mahigit pa, sabi ng governor.
Sa Bataan matatagpuan ang magagandang inland at beach resort na dinarayo lalo na kung araw ng Sabado, Linggo at pista opisyal.
Sa bayan ng Abucay, ang Raven Resort ay itinuturing na may pinakamalaking slide samantalang ang Villa Amanda ay may mga swimming pool na may bubong, children-friendly at napakasarap ang pesang tilapiya.
Sa Hermosa, Dinalupihan, Limay, Mariveles, Samal, Pilar, at Orion ay mayroon ding mga dinarayong resort.
Sa Balanga City, pinananabikan ang pagbubukas ng magandang La Vista Inland Resort. Sa Orani nauna nang nagbukas ang talaga namang maipagmamalaking Sinagtala Nature Park at iba pa sa paanan ng Bataan National Park.
Sa magkatabing bayan ng Bagac at Morong, matatagpuan ang mga beach resort na may malalapad na buhanginan sa tabi ng West Philippines Sea.
Pumapayag na ang provincial IATF sa muling operasyon ng mga ito ngunit may mahigpit na bilin ang governor.
“Mariin pa rin nating pinaalalahanan ang lahat na bagamat nagbabakasyon ngayong kapaskuhan, manatili pa ring mapagmatyag at maingat na sundin ang lahat ng primary health protocols tulad ng pagsusuot ng face mask at face shield lalo na kung may mga kahalubilo, mag-obserba ng social distancing, maghugas at mag-disinfect parati ng kamay at ng mga bagay na madalas hawakan,” sabi ni Garcia.
Ibayong pag-iingat ang paalaala ng governor.