KUNG ganitong halos nangalahati na
ang ‘school year 2020 – 2021 dapat pa
bang ituloy ito kaysa susunod na
taon na lang para iwas sa pandemya?
At problema pati ng mga magulang
ang ‘extended learning’ na nangangailangan
ng modernong gamit na hindi makayang
bilhin ng hikahos sa lahat ng bagay.
Lalo’t di lahat na ng lugar sa bansa
nararating nitong ’internet’ kung kaya
mapag-iiwanan itong mga bata
na ni pambili ng cellular phone wala.
Gasino na itong isang taon nilang
sa pag-aaral ay maudlot, masayang?
Sa dalawang taon na idinagdag d’yan
(ni PNoy) – ito ay kwenta ibawas lang.
Nasayang man itong isang taong singkad
na naudlot, sanhi ng di pagbubukas
ng klase nitong ilang buwang nakalipas,
hindi kawalan sa ating mga anak.
Kaysa naman ating isugal kumbaga
ang kalusugan n’yan laban sa pandemya!
Kaya para maging ligtas sa problema,
‘Opening of classes,’ suspendihin muna.
Lalo pa’t kagaya nga nitong marami
ang tutol mabuksan ngayon itong klase,
kung saan ang gagamitin nga lang bale
sa pagtuturo ay problemang malaki.
Ipagpalagay na nating lahat na r’yan
kayang paaralin ng mga magulang
sa ‘online schooling,’ may matutuhan yan
nang gaya ng sila’y nasa paaralan?
Kung itong harapan na ang pagtuturo
nitong kahit sinong matitiyagang guro,
ang iba ay hindi masakyan ang turo,
(ni titser) yan kaya di mabobung lalo?
Sakali’t itong di ‘face-to-face’ ika nga
na ‘means of teaching’ ang ipairal bigla
sanhi lamang nitong kumita lang yata
ang ilan sa DepEd, payag na karaka?
Aywan nga lang ngayong base sa ‘turn out’ dyan
ng ‘enrolment,’ tila maliit ang bilang
nitong desidido na makapag-aral,
kung tuloy o hindi, lahat di pa pinal.
(Pero ang kabilang sa ilang pribadong
kolehiyo, may mga nagbukas na ngayon
nang dahil sa CHED ang may hawak sa timon
ng lahat nitong sa ‘higher educations’).
Halimbawang tuloy ay paano naman
ang nasa malayo at liblib na lugar,
na gustuhin man n’yan ang makapag-aral,
kapos sa lahat ng bagay na materyal.
Kaya nga’t kaysa ipilit nitong DepEd
na mabuksan ang klase sa October 5,
sa kabila nga r’yan ng ‘uncertainties,’
‘next year’ na dapat ang ‘opening of classes’.
Gasino na ang ating ipaghihintay
mula October 5, na iilang buwan
na lang ay Junyo na – ano’t hindi pa ‘yan
sa ‘first Monday’ nito ating muling buksan?!