Home Headlines Pagbebenta ng karne ng baboy, manok tigil pansamantala

Pagbebenta ng karne ng baboy, manok tigil pansamantala

991
0
SHARE

Si Evelyn Abocado sa harap ng mga bakanteng stall ng karne ng baboy at manok sa Balanga public market. Kuha ni Ernie Esconde



LUNGSOD
NG BALANGA — Pansamantalang tumigil ngayong Biyernes ang mga meat vendors sa public market sa lungsod na sa pagtitinda ng karne ng baboy at manok dahil hindi umano nila kaya ang price ceiling ng pamahalaan.

Bakante ang mga stalls sa meat section maliban sa ilan na nagtitinda ng karne ng baka samantalang patuloy naman ang mga mamimili sa fish at vegetable sections.

Ayon kay Evelyn Abocado, isa sa mga nagtitinda ng karne ng manok, hindi nila kayang sundin ang price ceiling na P160 sa isang kilo ng karne ng manok at P270 bawat kilo ng karne ng baboy.

“Hindi namin kaya ito dahil ang puhunan pa lamang ng baboy ay P320 na at sa manok ay P150. Nagbabayad pa kami ng puwesto, permit at iba pang gastusin kaya hindi namin kaya ang ganitong presyuhan,” sabi nito.

Sa tanong na kung kailan sila muling magtitinda, sinabi ni Abocado na basta payagan lang silang magpresyo ng karne ng manok sa P180 isang kilo at karne ng baboy sa P350 bawat kilo. “Sa ganyang presyo, may kikitain kami kahit kaunti.”

Umapila siya sa Pangulong Duterte. “Hinihiling lang namin na tulungan kami ng ating pamahalaan. Tulungan kami sa ganitong sitwasyon ng Pangulo natin.”

Nananawagan din si Abocado kay Balanga City Mayor Francis Garcia. “Mayor Francis, tulungan mo kami sa ganitong pangyayari sa palengke. Maawa kayo sa amin, napakalaki ng bayarin namin sa munisipyo. Hindi namin makakaya.

Kumukuha umano sila ng supply ng manok at baboy sa mga traders.

Ang opisina ni Mayor Garcia ay nagsabing kasalukuyan pang pinupulong ng city administrator ang mga market authorities at mga concerned agencies tungkol sa nangyayaring pork and chicken meat holiday.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here