Home Headlines Pagbangon ng Event Industry sa Bulacan, lumagpas na sa pre-pandemic level

Pagbangon ng Event Industry sa Bulacan, lumagpas na sa pre-pandemic level

406
0
SHARE
Si Mayor Christian Natividad sa idinaos na na Kasalan at Handaan sa Republika Bridal and Events Supplier Expo na inorganisa ng pamahalaang lungsod ng Malolos. (Shane F. Velasco/PIA 3)

LUNGSOD NG MALOLOS (PIA) — Lubos nang nakabangon ang Event Industry sa Bulacan mula nang tumama ang pandemya sa nakalipas na dalawang taon.

Sinasalamin ito ng idinaos na Kasalan at Handaan sa Republika Bridal and Events Supplier Expo na inorganisa ng pamahalaang lungsod ng Malolos.

Ito’y bahagi ng taunang Fiesta Republika, na muli ring idinaos nang mukhaan bilang pagdiriwang ng Ika-124 Taong Anibersaryo ng Pagkakatatag ng Unang Republika ng Pilipinas.

Para kay Mona Richelle Bumanlag, chairperson ng Bulacan Event Suppliers Association o BESA, kung mayroong tinatawag na tourism revenge o ang pagbawi na makapamasyal ng mga turista mula sa dalawang taon na pagkakaroon ng travel restrictions, mayroon ding nangyayaring event revenge.

Ipinaliwanag niya na noong taong 2019, bago ang pagtama ng pandemya noong 2020, nakakapagdaos ng regular na 30 hanggang 34 na mga events ang isang event supplier bawat buwan.

Sa pagpasok ng 2022, nadoble ito sa 60 hanggang 65 na mga events kada isang buwan.

Aabot sa 500 libong piso ang halaga ng payak na gastusin ng isang pagdiriwang o okasyon na may 100 bisita sa Bulacan.

Ito’y mahigit sa 50 porsyento mas mura kumpara sa nasa 1.5 milyong pisong halaga kung idadaos sa labas ng lalawigan.

Tinatayang aabot na sa limang bilyong piso ang halaga ng Event Industry sa Bulacan na hanapbuhay ng mahigit sa isang libong Bulakenyo.

Kabilang dito ang mga event organizers, musician, singers, dancers, make-up artist, videographers, photographers, catering, lights and sound system, venue facilities, car rentals, cook, waiters at waitress at iba pang support staffs.

Ayon kay Malolos City Mayor Christian Natividad, layunin ng expo na ito na higit na maitanghal at maipakilala ang Bulacan sa pangunguna ng lungsod, na may abot-kaya pero matataas na kalidad ng mga event suppliers para sa mga pagdiriwang at anumang uri ng okasyon.

Binigyang-diin ng punong lungsod na kung tutuusin ang kalidad ng mga pagkain, pananamit, bulaklak, sound system at iba pang kailangan sa mga pagtitipon ay hindi ito nalalayo sa kung ano ang mayroon sa Metro Manila at kalapit na mga lalawigan.

Sa Malolos pa lamang aniya, matatagpuan ang mga pinakamakakasaysayang simbahan na uubrang pagdausan ng kasalan gaya ng simbahan ng Barasoain at ang Katedral-Basilika ng Malolos.

Kapwa nagkaroon ng pangunahing papel sa pagtatatag ng Republika ng Pilipinas ang nasabing mga simbahan.

Iba pa rito ang mga restaurants at catering services na naghahain ng mga Kalutong Bulakenyo na mula sa pamanang kulinarya ng mga Kadalagahan ng Malolos ng Ika-19 siglo.

Samantala, sinabi naman ni Provincial History, Arts, Culture and Tourism Office Head Eliseo Dela Cruz na patuloy na nagbibigay ng libreng occupational training ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamamagitan nitong tanggapan sa mga manggagawa sa event industry.

Isinusulong naman ng BESA na maging ganap ang propesyonalisasyon sa mga manggagawa sa industriyang ito upang higit na maibigay ang karampatang sahod at benepisyo. (CLJD/SFV-PIA 3)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here