Pagbalimbing at pagpapatiwakal

    401
    0
    SHARE
    Ayon kay Annie Garcia, presidente ng SM Supermalls, bibisita sa Pilipinas si dating US president Al Gore sa ika-30 ng Abril sa susunod na taon.

    Ang pagbisita ni Al Gore sa bansa ay makakatulong umano na maipabatid sa mga tao ang kahalagahan ng pangangalaga sa kalikasan at kapaligiran.

    Sa aking pakiwari, kahit sinong magaling na environmentalist pa ang dumating sa bansa kung wala namang puso para sa kalikasan ang mga nanunungkulan ay hindi rin ito makakatulong.

    Sana ay makabisita siya sa lungsod ng Angeles upang makita niya ang mga illegal dumpsites na nabuksan dahil sa hindi masolusyunang problema sa basura ng kasalukuyang administrasyon.

    Ngunit may posibilidad na magbigay ng pondo si Al Gore para masolusyunan ang krisis sa basura sa lungsod. Ang tanong nga lang, gagamitin naman kaya ito sa dapat paggamitan lalo na at sa panahon ng kampanya siya dadating?



    Noong una’y giniba, ngayon namang panahon ng eleksyon ay pinapagawa ulit ang mga islands sa mga rotunda sa lungsod ng Angeles.

    Kung yung proyekto sa Barangay Sto. Domingo na naging dahilan ng ilang mga aksidente dahil sa kumikislap-kislap na mga ilaw ay nagkakahalaga umano ng mahigit P20-million, magkano naman kaya ngayon ang mga bagong proyekto ni Mayor Blueboy? 

    Sabagay, kung ikukumpara sa gagawing sports complex ay barya nga lang ang mga ‘yan. Humigit-kumulang sa P800-million ang inutang sa bangko na babayaran naman ng mga Angeleño ng ilang dekada upang maisakatuparan lang ang isang non-income generating project na “pagdudusahan” ng mga tao.



    Ang “pagpapasikat” na ito ni Mayor Blueboy ay upang mapabilib umano si Sen. Noynoy Aquino. Nagkalat kasi ang  balitang babaligtad ang alkalde mula sa Nationalist People’s Coalition (NPC) at sasama sa Liberal Party na kung saan si Sen. Noynoy Aquino ang standard bearer. Ito ay upang sa panahon ng kampanya ay itaas ang kanyang kamay bilang opisyal na kandidato ng LP sa lungsod ng Angeles (at hindi si Kapitan Tony Mamac?). 

    Sa isang text message ni dating konsehal Louie Reyes, sinabi niya na dadating si Sen. Noynoy at Sen. Mar Roxas sa City Hall sa lungsod ng Angeles sa Lunes, alas-10 ng umaga sa pangunguna ng Noynoy Aquino for President Movement na pinangungunahan naman ni Association of Barangay Councils president Robin Nepomuceno.

    Inaakala siguro nila na mahahawa si Blueboy sa kasikatan ni Sen. Noynoy na hindi naman nakitaan ng anomang anomalya bilang senador.

    Ang tanong naman ng mga tao, “nagpapatiwakal” naba si Noynoy?


    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here