LUNGSOD NG BALANGA — Ang 11 bayan at isang lungsod sa Bataan ay naghahanda na para sa pagbabakuna ng mga kabilang sa priority group A4 o mga essential workers, ulat ng provincial health office ngayong Miyerkules.
Ayon kay PHO chief Dr. Rosanna Buccahan, ang online registration ay ipatutupad sa mga institution-based workers kung saan tanging ang mga otorisadong kinatawan ng mga kumpanya, samahan o negosyo ang papayagang magparehistro para sa kanilang manggagawa at tatanggap ng QR code.
Ang mga freelance essential workers sa kabilang banda ay pinapayuhang makipag-ugnayan sa kanilang mga barangay para sa kanilang rehistro.
Sinabi ni Buccahan na ang pagbabakuna sa first dose ay patuloy para sa group A1 (medical frontliners), A2 (senior citizens) at A3 (persons with comorbidities) habang binibigyan ng second dose ang mga nasa A1 at A2.
Nabakunahan na ng first dose ang 58,541 indibidual at 15,366 naman ng second dose.
Iniulat ni Gov. Albert Garcia na nakatanggap na ang Bataan mula sa Department of Health ng 62,480 single dose vial ng Sinovac, 2,420 multi-dose (10 – 12) vial ng AstraZeneca, 300 single dose ampule ng Gamaleya Sputnik V, at 10,234 single dose vial ng Pfizer- BioNTech (kabilang ang bagong dumating).
Ang mga bagong dumating na bakuna ay 8,772 single dose vial ng Pfizer na ang sabi ng governor ay agad ipinamahagi sa 18 inoculation sites sa lalawigan.
“Ang mga bakunang ito ay nakalaan para sa first dose ng mga nabibilang sa A1, A2 at A3. Alinsunod din sa emergency use authorization para sa Pfizer-BioNTech vaccines, ang mga may edad 16 at 17 ay maaari nang makatanggap ng nasabing bakuna kung sila ay nabibilang sa A3 at kasama nila ang kanilang magulang sa araw ng pagbabakuna,” sabi ni Garcia.
“Sa kasalukuyan, nananatiling bukas ang Bataan People’s Center, Vista Mall-Bataan, at mga inoculation sites sa buong lalawigan upang mas marami ang bilang ng ating mga nababakunahan. Muli, hinihingi ko ang inyong kooperasyon at pakikiisa sa ating layunin na agarang makamit ang herd immunity upang tuluyan na nating mapagtagumpayan ang Covid-19,” dagdag ng governor.
Samantala, sa huling ulat ng PHO, tumaas ang bilang ng kumpirmadong kaso sa lalawigan sa 10,306 na ang 1,333 ay mga aktibo matapos magtala ng 34 na bagong nagpositibo.
Nagkaroon naman ng 57 bagong gumaling kaya umakyat sa 8,637 ang kabuuang bilang ng mga nakarekober samantalang umabot sa 336 ang mga namatay nang magtala ng apat na bagong nasawi.