Pagbagsak sa presyo ng sibuyas, ipinagtataka ng mga opisyal

    901
    0
    SHARE
    BONGABON, Nueva Ecija – Patuloy sa pagbaba ang produksiyon ng sibuyas sa Gitnang Luzon at patuloy ang pagtaas ng pangangailangan sa produktong ito sa bansa ngunit mabilis na bumabagsak ang presyo nito na nagdudulot ng matinding pagkalugi ng mga magsasaka.

    Ito ang ipinagtataka ngayon ng mga opisyal ng Department of Agriculture at lokal na pamahalaan sa gitna ng pahayag ng Bureau of Plant Industry (BPI) na wala itong pinahintulutan na mag-angkat ng pulang sibuyas nitong mga nagdaang taon.

    Ayon kay Regional Dir. Anrew Villacorta ng DA-Central Luzon, nasa P10 hanggang P12 kada kilo lamang ang sibuyas na pula sa ngayon samantalang nasa P11 piso mula P9 ang kada kilo ng sibuyas na puti.

    Ngunit halos hindi na rin mararamdaman ng mga magsisibuyas sa bayang ito ang pagtaas ng presyo ng yellow granex na dating nasa P9 bawat kilo dahil paubos na ito samantalang nanganganib naman na bumagsak pa ang halaga ng red creole dahil nagsisimula pa lamang ang anihan para sa regular na panahunan, ayon kay Villacorta.

    Ang bayang ito ang tinaguriang “Onion basket of the Philippines” dahil dito nagmumula ang higit na malaking supply ng sibuyas.

    Ipinagtataka rin ni Mayor Allan Xystus Gamilla kung bakit tila matamlay ang pamimili ng mga negosyante sa kanilang produkto gayong lumalabas sa kanilang pagsusuri na bakante pa ang mga cold storage sa kanilang bayan at mga kalapit na lugar.

    “Nakapagtataka dahil kakaunti ang nagtanim ng sibuyas ngayon dito sa amin at bakante pa ang mga storage pero walang namimili,” ani Gamilla. Maraming magsasaka sa bayang ito, aniya, ang tumutok sa pagtatanim ng ilang high value crop katulad ng mais at iba pang uri ng gulay.

    Personal namang nagtungo sa bayang ito si Villacorta nitong Miyerkules upang siyasatin ang sitwasyon kung saan dumiretso siya sa ilang kooperatiba at indibidwal na magsasaka.

    Kumbinsido si Villacorta na bagaman at break evenna ang mga magsasaka sa presyong P10 kada kilo ng sibuyas na pula ay maituturing pa rin na lugi sila sa umiiral na P12 bawat kilo dahil sa interes ng kanilang inutang na puhunan at pambayad sa cold storage na P210 bawat 30-kilo bag.

    Sinabi ni Ariston Balala, manager ng Kawanggawa Multi-Purpose Cooperative, na kinakailangan nilang ipasok ang kanilang produkto sa cold storage sa maraming pagkakataon dahil naghihintay sila na tumaas ang presyo. Ngunit madalas rin aniyang nalulugi sila kapag lumipas ang ilang buwan na hindi tumaas ang halaga sa pamilihan.

    “Talagang luging-lugi sila,” saad ni Villacorta. Pangako ni Villacorta na titingnan rin ng kagawaran ang mga ulat na may smuggled na sibuyas ang nasa pamilihan sa ngayon.

    Ayon sa grupong Sinagtala, ilang bodega sa Kamaynilaan ang puno ng mga smuggled na sibuyas kaya bumabagsak ang presyo ng lokal na produkto.

    Binigyang-diin naman ng opisyal ang pangangailangan ng suporta sa mga magsisibuyas, kabilang ang pagtatayo ng storage para sa kanila. Dagdag ito, ani Villacorta, sa loan facility at bagsakan o trading centers.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here