Pagbabawas sa pagkain ng kanin, ipinayo ng eksperto

    541
    0
    SHARE

    SCIENCE CITY OF MUNOZ, Nueva Ecija – Hinikayat ng isang ekonomista mula sa Philippine Rice Research Institute (PhilRice) ang mga Pilipino na magtipid sa pagkain ng kanin sa pamamagitan ng pagkonsumo ng kamoteng kahoy, saging at iba pang kawangis na produkto.

    Ang PhilRice ang pangunahing ahensiya ng gobyerno sa pananaliksik sa produksyon ng palay at bigas.

    Sinabi ni Dr. Flordeliza Bordey, bagong talagang tagapagsalita ng Food Staple Plan of the Philippine Food Self-Sufficiency  Roadmap (FSSR) for 2011 – 2016, na mahalagang hakbang ang pagtitipid sa bigas sa ikapagtatagumpay ng nilalayong kasapatan sa pagkain ng bansa sa loob ng tatlong taon.

    Paliwanag ng opisyal, dapat sundin ng mga Pilipino ang ginawa ng Japan at China na ngayon ay may sapat na pagkain sa kabila ng higit na maliit na lupang agricultural. Tinawag niya itong “diversified diet.”

    Sinabi ni Bordey na ang diversified diet ay mag-aangat din sa nutrisyon ng mga Pilipino. Ang white corn, sweet potato, cassava, at saging, ani Bordey, ay mabuting pamalit sa kanin para matiyak ang per capita consumption ng bigas sa 120 kilo kada taon.

    Batay sa FSSR, ang dokumentong ginawa sa pamamagitan ng serye ng mga seminar at pag-aaral na itinaguyod ng Department of Agriculture (DA), ang ibang mga pamalit sa bigas ay nakikitang istratehiya sa pag-iwas sa pagtaas ng per capita na konsumo sa bigas ng mga Pilipino.

    Ayon kay Bordey, ang Rice, Corn, and High-Value Commercial Crops Program ng DA ay magdaragdag ng alternatibong pagkain ng 3.5%. Mas magiging madali ring makamit at bilhin ang pangunahing pagkain, ayon sa kanya.

    Ipinaliwanang niya na lubhang kailangan na maging self-sufficient o magkaroon ng kakayanan ang bansa na lumikha ng sapat na pagkain para sa sariling mamamamayan nito sa gitna ng panganib ng climate change sa mga tradisyunal na inaangkatan ng bigas tulad ng Thailand, Vietnam, Pakistan, India, at United States.

    Roberto Alingog, presidente ng PR Bank at isang 2011 UP outstanding alumnus in entrepreneurship and employment, ay sumuporta sa mga pahayag ni Bordey.

    Aniya, ang pagkain ng kamote, isang haling ugat na mayaman sa carbohydrates at may mataas na fiber content, ay hindi lamang mabuti sa kalusugan kundi makapagliligtas pa rin sa milyon-milyong pisong salapi na ginugugol sa pag-angkat ng bigas.

    Ang mas kakaunting pagkain ng kanin ay popular na ginagawa ng ilang tanyag na artista tulad ni Gtetchen Barreto na itinuturing ang pagkain ng nilagang kamote at prutas bilang bahagi ng pagmamantine ng kanyang kalusugan.

    LEAVE A REPLY

    Please enter your comment!
    Please enter your name here