MARILAO, Bulacan—Nalalapit na ang pagpapatupad ng ordinansang nagbabawal sa paggamit ng plastic at katulad na produkto sa lalawigan ng Bulacan.
Nilagdaan na ni Gob. Wilhelmino Alvarado ang Implementing Rules and Regulation (IRR) ng nasabing ordinansa noong nakaraang linggo.
Ayon sa IRR, ipagbabawal na ang paggmit ng non-biodegradable plastic, styro foam at mga katulad na produkto sa lalawigan.Ang mga nasabing produkto ay karaniwang ginagamit na sisidlan sa mga mall, supermarket, fastfood, mga palengke at talipapa.
Ayon kay Alvarado, ang pagbabawal sa plastic ay ipatutupad matapos ang malawakang kampanya ng pagpapabatid sa mga Bulakenyo. Kabilang dito ay ang paglalathala ng sipi ng IRR sa isang pahayagan.
Matapos ang paglalathala, ipatutupad ang pagbabawal sa paggamit ng plastic matapos ang 15 araw, ayon sa IRR.
Katulad sa ordinansang nagbabawal sa plastic, itinatakda rin sa IRR ang mga parusa sa sinumang mahuhuli sa paglabag.
Kabilang sa kaparusahan ay ang multang P3,000 hanggang P5,000 at anim na buwang pagkakabilanggo.
Kung magiging paulit-uli ang paglabag, ang mahuhuli ay magmumulta ng P10,000 at isang taong pagkakabilanggo.
Kung hindi naman makapagbayad ng multa, ang lalabag ay maaring gumanap sa community service o paglilingkod pampamayanan sa loob ng tatlong buwan.
Ang paglilingkod na ito ay maaaring sa pamamagitan ng paglilinis ng kapaligiran o mga gawaing may kinalaman sa pangangalaga sakalikasan.
Para naman sa mga negosyong lalabag sa itinakda ng batas, maaaring bawiin ng pamahalaan ang ipinagkaloob na permit sa kanilang upang makapagnegosyo.
Ayon kay Alvarado, ang mabigat na parusang itinakda sa paglabag sa batas ay naglalayon na makumbinsi ang bawat isa na tuparin ito.
Sinabi pa niya na ito ay isang hakbang upang matiyak ang kalinisan ng lalawigan at mapangalagaan ang mga likas na yaman, partikular na ang mga katubigan.
Kabilang dito ay ang mga sapa at ilog na ayon naman kay Bise Gob. Daniel Fernando ay nagsilbing basurahan sa mahabang panahon.
Ayon kay Fernando, sa kaniyang paglibot sa ibat-ibang barangay sa lalawigan, hindi maitatatwa ang walang habas na pagtatapon ng basura sa kailugan.
Ito ay dahil sa bukod sa nakalutang sa ilog angmga basura, ang mga lupang itinambak sa mga pilapil ng ilog at palaisdan at puno rin ng mga plastic.
“Kailangang magkaisa tayo ngayon upang matiyak na mapapakinabangan ng susunod na henerasyon ang ating mga kailugan,” ani Fernando.
Kaugnay nito, ilang establisimyento na sa lalawigan ang nagpapatupad ng polisiyang tumutugon sa pagbabawal ng plastic.
Kabilang dito ang SM City Baliuag na noong pang nakaraang Mayo ay nagsabi na hindi na sila gumagamit ng plastic sa kanilang foodcourt.
Gayundin sa ilang fastfood sa lungsod ng Malolos katulad sa McDonalds sa labas ng Bulacan State University.
Sa nasabing fastfood, paper bag na ang kanilang ginagamit sa halip na plastic bag bilang sisidlan ng mga pagkaing inorder bilang “take-out.”
Sa mga pamantasan naman, nagpapatupad ng Bulacan State University ‘no plastic day” bawat linggo.