Home Headlines Pagbabaon ng Tunnel 5 ng Angat Water Transmission, kasado na

Pagbabaon ng Tunnel 5 ng Angat Water Transmission, kasado na

650
0
SHARE

Makikita sa larawan ang rendisyon ng arkitekto kaugnay ng water trail ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System kung paano nakukuha ang tubig sa Angat Dam at mga pamamaraan kung paano ito naihahatid sa bawat tahanan at mga industriya. (MWSS)


 

NORZAGARAY, Bulacan — Sisimulan na ang pagbabaon ng Tunnel 5 na bahagi ng Angat Water Transmission Project ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System o MWSS.

Ibabaon ito sa hilera ng mga tunnels na nakabaon sa paligid ng Ipo Dam sa Norzagaray.

Ayon kay MWSS Administrator Leonor Cleofas, napirmahan na ang kontrata sa China International Water and Electric Corporation para sa 3.2 bilyong pisong halaga ng proyekto na popondohan sa tulong ng mga water concessionaires ng MWSS.

Ipinaliwanag niya na dalawa ang pangunahing dahilan at pakinabang sa paglalagay ng karagdagang tunnel. Una, ito’y upang hindi magkaroon ng pagka-antala o pagkawala ng suplay ng tubig habang isinasailalim sa rehabilitasyon ang mga mas lumang Tunnels 1 at 2.

Sa pansamantalang pagsasara ng nasabing mga tunnels, padadaanin ang tubig mula sa Angat Dam patungo sa Ipo Dam sa pamamagitan ng bagong bukas na Tunnel 4 at gagawing Tunnel 5 upang maipadala sa mga water concessionaires ng MWSS, na magpapadaloy sa mga tahanan at industriya.

Pangalawa, kahit matapos ang rehabilitasyon ng mga lumang tunnels, mananatili nang nakabaon ang Tunnel 5 at ang Tunnel 4 kaya’t mas mapapalakas at matitiyak ang tuluy-tuloy na suplay ng tubig sa paggana ng lahat ng mga tunnels.

Kapag natapos ang Tunnel 5 sa taong 2024, makakapagsuplay ito ng karagdagang 1,700 million liters per day o MLD na tubig habang nasa 240 MLD ng tubig ang matitipid kapag natakpan ang mga tagas sa mga lumang tunnels.

Kaugnay nito, mula nang magsimula ang operasyon ng bagong Tunnel 4 noong 2020, nakakapagsuplay na ito ng karagdagang 19 cubic meters per second o cms ng tubig mula sa Angat. Katumbas ito ng nasa 1,600 milyong litro ng tubig kada araw.

Pinondohan ito ng 3.29 bilyong pisong pautang mula sa Asian Development Bank.

Makikinabang sa mga proyektong ito ang mga umaasa sa suplay ng tubig sa Angat Dam gaya ng Bulacan Bulk Water Supply Project, mga west at east zones ng Metro Manila at ilang bahagi ng Rizal at Cavite. (CLJD/SFV-PIA 3)

 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here