Mga miyembro ng kapulisan na naghihintay mabakunahan. Contributed photo
LUNGSOD NG BALANGA — Nagsimula na ngayong Lunes ang pagbabakuna laban sa coronavirus disease ng mga kabilang sa priority group A4 o mga essential worker sa Bataan People’s Center dito.
Nilinaw ni Gov. Albert Garcia na tanging ang mga manggagawa ng mga kumpanyang nakatanggap ng confirmation ng kanilang schedule of inoculation ngayong araw ang tatanggapin upang mabakunahan ng first dose sa nabanggit na center.
“Wala munang tatanggaping ‘walk-in’ mula sa priority groups A1 (medical frontliners), senior citizens, at A3 (persons with comorbities) sa Bataan People’s Center dahil ang bakunang tinanggap ng ating provincial health office para sa araw na ito ay donasyon mula sa mga pribadong kumpanyang naglaan nito para sa kanilang mga empleyado,” sabi ng governor.
Ang mga tumanggap ng bakunang Moderna ngayong Lunes ay mga kasapi ng Philippine National Police, Peninsula Electric Cooperative, Department of Education, Bataan Peninsula State University at Petron.
Ayon kay PHO chief Dr. Rosanna Buccahan, nakatanggap sila mula sa mga donor ng 4,000 vial ng Moderna na ang 2,000 vial ay para sa first dose at ang nalalabing kalahati ay nakareserba para sa second dose.
Ang pagbabakuna, aniya, ng first at second doses para sa mga A1, A2 at A3 ay magpapatuloy sa sandaling dumating ang supply mula sa Department of Health.
Sinabi ni Buccahan na nakatanggap na ang Bataan mula sa DOH ng 80,080 single-dose vial Sinovac, 2,420 multi-dose (10- 12) vial AstraZeneca, 5,400 single-dose ampule ng Gamaleya Sputnik V, 3,900 multi-dose Pfizer and 530 multi-dose Moderna.
Nabakunahan na ang 84,968 indibidual ng first dose at 28,391 ng second dose, sabi nito.
“Maghintay lamang ng anunsyo kung kailan muling sisimulan ang pagbabakuna para sa mga nabibilang sa ibang priority groups dahil hinihintay pa natin ang delivery ng karagdagang bakunang nakalaan para sa kanila,” sabi ng governor.