Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya
sa pagkadalisay at pagkadakila
gaya ng pag-ibig sa Tinubuang lupa?
maling pag-ibig pa? Wala na nga, wala.
Ulit-ulitin mang basahin sa isip
at isa-isahing talastasing pilit
ang salita’t buhay na limbag at titik
ng isang katauhan ito’y namamasid
Banal na pag-ibig pag ikaw ang nukal
sa tapat na puso ng sino’t alinman,
imbi’t taong gubat, maralita’t
mangmang, nagiging dakila at iginagalang.
Pagpupuring lubos ang palaging hangad
sa bayan ng taong may dangal na ingat,
umawit, tumula, kumanta’t sumulat,
kalakhan din niya’y isinisiwalat.
Walang mahalagang hindi inihandog
ng may pusong mahal sa Bayang nagkupkop,
dugo, yaman, dunong, katiisa’t pagod,
buhay ma’y abuting magkalagut-lagot.
Bakit? Alin ito na sakdal ng laki,
na hinahandugan ng buong pagkasi,
na sa lalong mahal nakapangyayari,
at ginugulan ng buhay na iwi?
Ay! Ito’y ang Inang Bayang tinubuan,
siya’y ina’t tangi sa kinamulatan
ng kawili-wiling liwanang ng araw
na nagbigay-init sa buong katawan.
Sa kanya’y utang ang unang pagtanggol
ng simoy ng hanging nagbigay lunas,
sa inis na puso na sisinghap-singhap,
sa balong malalim ng siphayo’t hirap.
Kalakip din nito’y pag-ibig sa Bayan,
ang lahat ng lalong sa gunita’y mahal,
mula sa masaya’t gasong kasanggulan
hanggang sa katawa’y mapasa-libingan.
Ang nangakaraang panahon ng aliw
ang inaasahang araw na darating
ng pagka-timawa ng mga alipin
liban pa ba sa bayang tatanghalin?
At ang balang kahoy at ang balang sanga
ng parang niya’t gubat na kaaya-aya
sukat ang makita’t sa alaala
ang ina’t ang giliw lampas sa saya.
Tubig niyang malinaw sa anaki’y bulog
bukal sa batisang nagkalat sa bundok
malambot na huni ng matuling agos
na nakaka-aliw sa pusong may lungkot
Sa aba ng abang mawalay sa bayan!
gunita ma’y laging sakbibi ng lumbay,
walang alaala’t inaasa-asam
kundi ang makita’ng lupang tinubuan.
Pati na’ng magdusa’t sampung kamatayan
wari ay masarap kung dahil sa bayan
at lalong mahirap. Oh, himalang bagay!
lalong pag-irog pa ang sa kanya’y alay.
Kung ang bayang ito’y masasa-panganib
at siya ay dapat na ipagtangkilik,
ang anak, asawa, magulang, kapatid;
isang tawag niya’y tatalikdang pilit.
Datapwat kung ang bayan ng Katagalugan
ay nilalapastangan at niyuyurakan
katwiran, puri niyat kamahalan
ng sama ng lilong taga ibang bayan.
Di gaano kaya ang paghihinagpis
ng pusong Tagalog sa puring nalait
at aling kaluoban na lalong tahimik
ang di pupukawin sa paghihimagsik?
Saan magbubuhat ang paghihinay
sa paghihiganti’t gumugol ng buhay
kung wala ding iba na kasasadlakan
kung di ang lugami sa kaalipinan?
Kung ang pagkabaon niya’t pagka-busabos
sa lusak ng daya’t tunay na pag-ayop
supil ang pang-hampas tanikalang gapos
at luha na lamang ang pinaa-agos.
Sa kaniyang anyo’y sino ang tutunghay
na di-aakayin sa gawang magdamdam
pusong naglilipak sa pagka-sukaban
na hindi gumugol ng dugo at buhay.
Mangyayari kayang ito’y masulyap
ng mga Tagalog at hindi lumingap
sa naghihingalong Inang nasa yapak
ng kasuklam-suklam na Castilang hamak.
Nasaan ang dangal ng mga Tagalog?
Nasaan ang dugong dapat na ibuhos?
Bayan ay inaapi bakit di kumikilos?
at natitilihang ito’y mapanood.
Hayo na nga kayo, kayo ngang buhay
sa pag-asang lubos na kaginhawahan
at walang tinamo kundi kapaitan,
kaya nga’t ibigin ang naaabang bayan
Kayong antayan na sa kapapasakit
ng dakilang hangad sa batis ng dibdib
muling pabalungit tunay na pag-ibig
kusang ibulalas sa bayang piniit.
Kayong nalagasan ng bunga’t bulaklak
ng kahoy ng buhay na nilanta’t sukat,
ng bala-balaki’t makapal na hirap,
muling manariwa’t sa baya’y lumiyag.
Kayong mga pusong kusang inuusal
ng dagat at bagsik ng ganid sa asal
ngayon magbango’t baya’y itanghal
agawin sa kuko ng mga sukaban
Kayong mga dukhang walang tanging lasap
kundi ang mabuhay sa dalita’t hirap,
ampunin ang bayan kung nasa ay lunas
sapagkat ang ginhawa niya ay sa lahat
Ipahandog-handog ang buong pag-ibig
at hanggang may dugo’y ubusing itigis;
kung sa pagtatanggol, buhay ay mapatid,
ito’y kapalaran at tunay na langit!
(Isang pag-aalay sa ika-158 guning-kaarawan ng Ama ng Himagsikan, Nobyembre 30, 2021)