LUNGSOD NG CABANATUAN (PIA) — Pinakabagong katuwang ng Pag-IBIG Fund sa paghahatid ng mga benepisyo ng Loyalty Card Program ang PHINMA Araullo University o AU sa Nueva Ecija.
Ipinahayag mismo ni Pag-IBIG Fund Vice President for Member Services Operations- Luzon Group Lilia Anguluan na ang loyalty card ay special program ng ahensiya na layuning makapaghatid ng mga karagdahang benepisyo sa mga miyembro tulad ng mga discount, rewards, earning points sa mga partner establishments ng ahensiya.
Hangad aniya ng tanggapan na lubusang makatulong sa mga miyembro hindi lamang sa pag-iipon para sa hinaharap o sa pagpapatayo ng sariling tahanan kundi magkaroon din ng mga pribilehiyo sa pamimili o pagkuha ng mga serbisyo gamit ang Pag-IBIG Fund Loyalty Card.
Ayon pa kay Anguluan, nasa 300 institusyon o establisimento na ang katuwang ng Pag-IBIG Fund sa Loyalty Card Program sa buong bansa tulad ng iba’t ibang paaralan, ospital, hotel, restaurant, supermarket, pharmaceutical group, funeral parlor, oil and gas company at marami pang iba.
Katulad sa Nueva Ecija ay katuwang na ng Pag-IBIG Fund ang PHINMA AU sa naturang programa partikular sa pagbibigay ng 25 porsyentong diskwento sa tuition at miscellaneous fee para sa pag-aaral sa kolehiyo.
Sa katatapos lamang na paglagda sa kasunduan ng dalawang tanggapan ay maaari nang i-avail ng mga miyembro ng Pag-IBIG Fund na mayroong loyalty card ang 25 porsyentong diskwento sa tuition at miscellaneous fee para sa mga anak na mag-aaral sa kolehiyo.
Ang mga miyembro na wala pang loyalty card ay maaaring kumuha sa branch ng Pag-IBIG Fund upang makatanggap ng iba’t ibang pribilehiyo.
Pahayag ni PHINMA AU Executive Vice President Martin Benedict Perez, handang tumanggap ang institusyon ng kahit ilang estudyante na nais mag-aplay sa programa na bukas na ngayon para sa mga incoming first year students.
Pinahahalagahan aniya ng tanggapan ang programang ito katuwang ang Pag-IBIG Fund sa paghahatid ng dekalidad na edukasyon sa mga kabataan sa lalawigan at karatig pang mga lugar.
Tumatanggap na sa kasalukuyan ng enrollees ang PHINMA- AU na kung saan kinakailangan lamang dalhin at I-presenta ang Pag-IBIG Fund Loyalty Card para maka-avail sa programang diskwento.
Mayroong tatlong campus ang PHINMA-AU sa Nueva Ecija na nagtuturo ng mga kursong Bachelor of Science in Accountancy, Management Accounting, Hospitality Management, Tourism Management, Accounting Information System, Entrepreneurship, Business in Administration, Elementary Education, Nursing, Criminology, Civil Engineering at marami pang iba.
Samantala, dumalo rin sa idinaos na Ceremonial Signing of Memorandum of Agreement sina Pag-IBIG Fund Central Luzon Area II Department Manager III Amy Gopez, Cabanatuan Branch Head Reynante Pasaraba, Marketing Services Officer Gladys Ann Arada, PHINMA AU Marketing Manager Ira Jadee Gillera at iba pang opisyales ng unibersidad. (CLJD/CCN-PIA 3)